P5.1-M DROGA NASABAT SA SERYE NG OPERASYON SA CENTRAL VISAYAS

MAHIGIT P5.1 milyong shabu ang narekober ng mga awtoridad sa loob lamang ng isang araw sa Central Visayas nitong nakaraang Biyernes, April 19.

Nasamsam ang droga na tinatayang nasa 762 gramo mula sa apat na suspek na ipinagharap na ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ayon kay Police Brigadier General Anthony Aberin, PRO7 Regional Director, ang malaking drug seizure ay resulta ng masusing pagpaplano at intelligence-driven operations na tumagal ng ilang linggo.

“Ang pag-aresto at pag-agaw ay isang proactive na diskarte sa pagpapatupad ng batas upang tanggihan ang paglaganap ng ilegal na droga sa Central Visayas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng agresibo at walang humpay na kampanya alinsunod sa batas, tuntunin, at regulasyon,” pahayag ni General Aberin.

Bukod dito, nagsagawa ng Joint operation ang Provincial Drug Enforcement Unit katuwang ang Talisay City Police Station, Cebu Police Provincial Office (CPPO) bandang 9:00 ng umaga na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 38-anyos na suspek na nakuhanan ng 150 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,020,000.

Kasabay nito ang operasyon sa Dumaguete City na humantong sa pagkakasamsam ng 311.94 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P2,121,192 mula sa isang alyas “Elmer” sa Purok Maisan, Brgy. Camanjac.

Kasama sa operasyon ang Dumaguete City Police Station, PNP Drug Enforcement Group, Special Operations Unit 7, at Dumaguete Maritime Police Station.

Nakumpiska naman ng mga operatiba ng City Intelligence Unit at City Drug Enforcement Unit ng Mandaue City Police Office ang humigit-kumulang 300 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2,040,000 sa M. Logarta Street, Brgy. Subangdaku, dakong 10:10 ng gabi.

Sa isa pang operasyon ng Talisay City Police Station, nasamsam ang 55 gramo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng PP374,000 sa Sitio Ilang-ilang, Brgy. Lagtang na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang alyas “Renren”.

(RENE CRISOSTOMO)

56

Related posts

Leave a Comment