DISMAYADO ang ilang awtoridad ng Timor Leste sa inasal ng grupo ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa nasabing bansa para sana kunin si dating Negros Oriental Arnolfo “Arnie” Teves.
Ibinahagi ito ni Atty. Ferdinand Topacio, lead counsel ni Teves, sa exclusive interview ng SAKSI Ngayon nitong Linggo.
Nitong nakalipas na Marso 28 hanggang 30 ay nagtungo sa TL si Topacio at nakipag-ugnayan sa ilang matataas na opisyal doon na ang trabaho ay may kaugnayan sa kasalukuyang sitwasyon ng kanyang kliyente.
Opisyal aniya siyang tinanggap ng TL authorities bilang Philippine lawyer ni Teves, ngunit bunsod ng pagiging sensitibo ng paksa at nakabinbin pa sa mga korte, ilang impormasyon na kanilang napag-usapan ang hindi niya maaaring ibahagi dahil sa kondisyon ng anonymity and non-attribution. Hindi rin niya maaaring pangalanan ang mga awtoridad na kanyang naka-ugnayan sa nasabing bansa.
Ani Topacio, inireklamo ng Timorese authorities na kanyang nakausap ang pagiging arogante at bully umano ng NBI.
Matatandaang nagtungo rin sa TL ang NBI sa pangunguna ni NBI director Medardo De Lemos sa pag-aakalang maiuuwi nila si Teves matapos itong arestuhin kaugnay sa red notice na inilabas ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).
Ngunit hindi umano nagustuhan ng Timorese authorities ang pagiging arogante at demanding ng grupo ni de Lemos na nais agad-agad ay maibalik sa Pilipinas si Teves.
Ayon pa kay Topacio, itinuturing sa Timor Leste na ‘precipitate and highly improper’ ang ginawa ni de Lemos na pagsasalita sa local media na ikino-quote si TL President Jose Ramos Horta.
Paglilinaw ni Topacio, walang nilabag na anomang batas sa TL si Teves at ang pag-aresto rito higit isang linggo na ang nakalipas ay may kaugnayan lamang sa red notice ng Interpol.
Malinaw aniyang hindi nagtatago ang kanyang kliyente dahil nang hulihin ito ay naglalaro pa ng golf at walang ginagawang terrorist activity.
“At yun po na noon pa pala nalaman ko rin na one month before ay may request na rin ang ating pamahalaan na i-monitor, sapagkat ang kanilang impormasyon na ibinigay sa pamahalaan ng Timor Leste ay isang terorista daw si Cong. Teves, at naging report ng intel na ibinahagi sa akin ay wala naman silang nakitang kahit anong activity na maaaring, ‘interpret na acts of terrorism as in fact’ sinabi nga sa report na naggo-golf siya unless terroristic na yung golf, walang terrorism dun. Wala silang nakitang terroristic activities, wala silang nakitang paglabag sa batas ng Timor Leste kay Cong. Teves,” paliwanag ni Topacio.
Kasunod ng pagkakaaresto kay Teves ang biglaan aniyang pagdating ng NBI ngunit nabigo ang mga itong maisama pabalik sa Pilipinas ang dating kongresista.
“Sinasabi ng NBI na kaya sila nandun.. nagpapalusot sila, sapagkat napahiya sila na hindi nakuha ang gusto nila. Sabi nila na nandun lang daw sila para mag-monitor, kung talagang si Cong. Teves yun. Hindi ako naniniwala riyan, akala nila makukuha din nila, bakit? Eh kung imo-monitor mo lang. Kung si Cong. Teves nga ang nahuling yun, mayroon po tayong embahada roon, may konsulado tayo roon, eh di yung consul lamang ang pumunta roon kung verification lang,” banggit pa ni Topacio.
Hindi kinagat ni Topacio ang depensa ng NBI na nagtungo lamang sila sa TL para kumpirmahin ang pag-aresto sa dating kongresista.
“Eh hindi NBI nga eh, bakit NBI ang ipadadala mo roon ang tingin mo makukuha kung verification lang? Kaya ‘wag na sila magpaandar ‘di naman tayo ipinanganak kahapon lang. Sinabihan sila ng mga tao roon teka muna nasa Timor Leste po kayo or you are here in Timor Leste, we have a process, you abide by the process,” wika pa ng abogado ni Teves.
“.. at yung ibinibida nilang kinansela yung passport ni Cong. Teves sabi nung Prosecutor General dati na abogado ni Congressman ngayon, eh mali sila. Mas mahihirapan silang i-deport ngayon si Cong. Teves, papaano mo ide-deport yun? eh walang travel documents yun?” pahayag pa ni Topacio.
“Yung sinabi ni Clavano na undocumented alien yun mga pumuslit papasok ng isang bansa na hindi dumaan sa Immigration, walang dokumento nung pumasok. Pagpasok ni Cong. Teves dun sa Timor Leste ay legal, yung pag-stay niya roon hanggang ngayon ay legal, wala naman siyang ginagawang krimen para siya ay ma-deport kaya lang naman siya inaresto dahil may red notice yun lang,” paliwanag pa ni Atty. Topacio patungkol sa pahayag ng tagapagsalita ng DOJ.
Dahil aniya sa mga nasabing pangyayari ay nagmukhang “kenkoy” ang kinatawan ng NBI sa Timor Leste.
“Ang mensahe ko sa mga awtoridad, alam nyo may proseso kasi tayo, ngayon eh kung dito nakakalusot kayo na nagte-take ng legal shortcuts, nag-aakusa kayo without any proof ha, nagde-declare kayong terrorist in-expel nyo si Cong. Teves without any proof, eh talagang nababraso nyo. Tandaan nyo hindi habambuhay kayo lang ang nasa poder. Ang mundo ay bilog, may sinasabi kung anong itinanim ay siyang aanihin mo,” babala ni Topacio.
May mensahe rin ito sa biyuda ng pinaslang na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo na nagpaplano umanong magtungo sa Timor Leste upang personal na makita ang sitwasyon ni Teves.
“Kung ang purpose lamang niya eh, makitang nakakulong para lang sa kanyang personal satisfaction ay hindi papayag ang Timor Leste,” ani Topacio patungkol kay Mayor Janice Degamo.
“Misis Degamo kung talagang interesado kayong malaman kung sino ang pumatay sa asawa ninyo eh susundin nyo yung proseso, napaghahalata na kayo, you are not out for justice, you’re out for blood, for political purposes, chill ka lang,” dagdag pa ng abogado ni Teves.
“Sundin lang ang proseso ng Timor Leste, kasi kahit naman sabihin ng Timor Leste na ibalik si Cong. Teves dito sa Pilipinas, wala naman kayong ebidensiya eh. Lahat ng inyong testigo ay umatras na, even before the court preliminary investigation pa lang. Alam nyo kung normal lang ang sitwasyon nadismis na ‘yang kasong yan eh, kaso niyo kayo nasa poder gusto nyo ipitin si Cong. Teves, kayo ang nasusunod, kayo ang DOJ, kayo ang pulis, kayo ang DILG, pero hindi habang panahon yan, malapit na oh, magkakalahating term na si Pangulong BBM,” pahabol pa ni Topacio.
Samantala, marami pang natitirang option kay Teves ayon sa abogado nito.
“Taliwas sa pahayag ng Philippine authorities, sa lahat ng mga pamamaraan — safe refuge, political asylum, non –rendition at iba pang katulad na remedies – are still very much on the table, so to speak,” bahagi ng opisyal na pahayag ni Topacio.
(JOEL O. AMONGO)
578