CAVITE – Arestado ang isang helper nang nabuking sa dala niyang bag ang nakaw na mga panabong na manok sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Jovenor Calos y Sumbisi, 25, ng Brgy. Punta 1, Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga opisyal ng barangay dakong alas-3:00 ng madaling araw nang namataan nila ang suspek na nakabisikleta sa Brgy. Tres Cruses, Tanza, Cavite at may dalang bag.
Naghinala ang mga opisyales dahil matambok ang dala nito kaya sinita at inalam kung ano ang laman ng bag at nang buksan ay nakita ang tatlong sasabunging manok.
Tiyempo naming dumating sina Malis Pareja y Arenas, 52, isang government employee, at Jose Villalobos, 34, na naghahanap ng kanilang nawawalang mga panabong at kinilala ng mga ito ang bitbit ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
