PCSA KONTRA SA ILANG PATAKARAN NG PPA

NANINDIGAN ang Philippine Coastwise Shipping Association o PCSA sa kanilang mariing pagtutol sa ilang kautusan o patakaran ng Philippine Ports Authority o PPA.

Ayon kay PCSA administrator Edgardo Nicolas, naglabas na sila ng “position paper” kontra sa electronic o e-ticketing system at pagpapataw ng sobrang taas na “port fees.”

Nakasaad dito na ang mga nabanggit ay “pahirap at pabigat” lamang at mayroong masamang epekto. Wala ring naganap na konsultasyon sa iba’t ibang masasapol.

Sila aniya sa PCSA, na pinaka-malaking shipping association sa Pilipinas, ay naniniwalang pumalo pa lalo ang “port charges” sa bansa ng hanggang 2,000% na labis na makakaapekto sa kanilang sektor at sa publiko.

Hindi naman isinasantabi ng grupo ang posibilidad na iapela kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang ibasura ang mga patakaran ng PPA.

Ang e-ticketing system ay isa sa “full digitalization efforts” ng PPA maliban sa kontrobersyal na Trusted Operator Program – Container Registry and Monitoring System o TOP-CRMS.

Gayunman, umani ito ng batikos at pagkwestyon lalo’t posibleng makaapekto ang mga ito sa iba’t ibang negosyo, at kahit sa publiko.

Nauna nang naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros na nagpapaimbestiga sa mga kautusan o patakaran ng PPA.

170

Related posts

Leave a Comment