OIL SPILL SA ORIENTAL MINDORO POSIBLENG UMABOT SA PALAWAN

NAGBABALA ang DENR at UP Marine Science Institute na posibleng umabot sa coastal communities partikular sa mga nasa eastern at southern sides ng Oriental Mindoro ang oil spill na nagmula sa lumubog na tanker na MT Princess Empress.

Una nang ibinabala ng DENR ang pagtama nito sa northern part ng Antique kasama ang Liwagao island, Caluya at Semirara island kung saan noong Sabado ay umabot na ang oil spill sa nasabing sa mga lugar.

Nasa mahigit 5 kilometro na sa mga baybaying dagat ng ilang barangay sa bayan ng Caluya, Antique ang naabot ng oil spill.

Ayon naman  sa LGU ng Liwagao Island, isang islang nasa pagitan ng Bulalacao, Mindoro at Caluya, Antique, tinatayang 600 residente o 150 pamilya ang apektado ng nasabing insidente.

Samantala, sa bayan ng Pola na pinaka-apektado ng oil spill, ayon kay Pola Mayor Jennifer Cruz, nasa 14 residente na ang nagkasakit at isang bata ang isinugod sa ospital.

Nagpatupad na rin ng curfew sa Pola at ibinawal ang mga edad 21 pababa na lumabas sa gabi partikular sa mga tabing dagat.

Base sa trajectory model ng DENR at UP MSI, tatlong scenario ang kanilang nakita.

Una, puwedeng mapadpad ang oil spill patungong norte at umabot ito sa Verde Island Passage at maapektuhan maging Calapan at Puerto Galera.

Ikalawa, posible namang magpatuloy ang leak at hindi na lumayo sa kasalukuyang lugar na kinalubugan ng tanker at maipon ang maraming langis sa kahabaan ng Pola Bay.

At ikatlo, ay madala ito patungong south direksyon na siyang nangyayari ngayon, na dumaan na sa may bahagi ng Northwestern Antique at lumagpas pa hanggang sa Cuyo Island sa Palawan na bahagi na ng Sulu Sea.

Naka-monitor na rin ang mga tauhan ng PCG sa Boracay Island at sinusuri kung may mga traces ng langis sa isla.

Samantala, nagsagawa ng onsite inspection at evaluation ang Department of Health (DOH), sa pangunguna ni Officer-in-Charge (OIC) Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, sa Oriental Mindoro.

Kasabay ng pagsuri sa lugar ang pagbibigay ng agarang medical assistance, gamot at sapat na emergency inhalation para sa mga apektadong komunidad. Namahagi rin ng protective equipment ang DOH sa mga nagresponde sa sitwasyon.

Nanawagan si Sec. Vergeire sa sama-samang pagtugon ng mga kaugnay na ahensya at lokal na gobyerno, sa oil spill lalo na’t ang kapaligiran ay pangunahin sa mga nagtatakda ng kalusugan ng mamamayan. (NILOU DEL CARMEN)

 

587

Related posts

Leave a Comment