TNVS GROUPS: PAGPAPAGAAN SA FRANCHISING REQUIREMENTS LILIKHA NG DAGDAG-TRABAHO

IKINATUWA ng grupo ng Transportation Network Vehicle Services (TNVS) ang streamlining sa pagkuha ng prangkisa ng kanilang hanay na makatutulong anila para makalikha pa ng mas maraming trabaho.

Sa isang Facebook post, pinasalamatan ni TNVS CommUNITY representative and TNVS Alliance PH Chairperson Aylene Paguio si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III at mga miyembro ng LTFRB Board “for heeding to our call to ease the process of applying for a new Certificate of Public Convenience (CPC) for encumbered units.”

Ito ay matapos alisin na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Certificate of Conformity o COC sa listahan ng mga dokumento na kinakailangang isumite upang makakuha ng Certificate of Public Convenience o CPC o prangkisa ng sasakyan.

Alinsunod iyan sa inaprubahang Board Resolution No. 05 Series of 2023 ng LTFRB bilang pagtalima na rin sa mga probisyon ng Republic Act 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Delivery Service Act of 2018.”

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, makaraan ang pag-aaral ng board ay natukoy na ang paghingi ng COC bilang isang requirement ay kadalasang nagiging dahilan ng pagkaantala o pagpapawalang-bisa ng mga aplikasyon sa pagkuha ng prangkisa ng sasakyan.

Paliwanag pa ni Guadiz, ang COC ay isa sa mga dokumento na kinakailangang isumite upang makakuha ng prangkisa ng sasakyan, alinsunod sa 2020 LTFRB Citizen’s Charter, lalo na kung ang sasakyan ay “encumbered” o mayroon pang natitirang pinansyal na obligasyon.

Ang TNVS CommUNITY ay binubuo ng malalaking TNVS organizations sa bansa, katulad ng TNVS Alliance PH, Transport Vehicle Representatives, TNVS Community Council Leaders, TNVS Individual 1 Alliance, Unity of Leaders for TNVS Community, the Philippine Metropolitan Transport Group, at TNVS News Community.
“With this favorable development, our dream of reliably serving the riding public and generating more jobs for the Filipinos with ease is a step closer to turning into reality,” ani Paguio.

335

Related posts

Leave a Comment