PENSYON NG MGA SUNDALO PINAHAHANAPAN NG PONDO SA ECONOMIC TEAM

HINIMOK ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang economic team ng gobyerno na humanap ng paraan para punan ang mga kakulangang pondo sa bawat pangangailangan partikular ang pensyon ng mga retired military and uniformed personnel.

Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, sinabi ni Go na nauunawaan niya ang concerns ng finance managers dahil talagang nakakabahala kapag kinakapos ng pondo at trabaho nilang maghanap ng pagkukunan.

Subalit hindi naman anya dapat balewalain ang buhay na isinasakripisyo ng mga sundalo at uniformed personnel para mapanatili ang seguridad ng bansa.

Sinabi ni Go na kaisa siya sa pagsusulong ng mga solusyon sa lumolobong pension requirement at maiwasan ang budget disaster subalit mas dapat anyang maghanap ng ibang pagkukunan ng pondo kaysa galawin ang natatanggap ng active service at obligahin sila na magbayad ng mandatory contributions o ibahin ang pension na matatanggap nila.

Iminungkahi ni Go na ayusin ang pagkolekta ng buwis at tiyaking walang mapupunta sa katiwalian.

Dapat anyang tanggalin ang korapsyon sa gobyerno at tiyaking walang mga under the table at paghusayin ang pagkolekta ng buwis.

Hinimok din ng senador ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na kolektahin ang tamang buwis at customs duties.

Kung mawawala anya ang katiwalian sa gobyerno ay magiging sapat ang pondo para punan ang pension requirement.(DANG SAMSON-GARCIA)

41

Related posts

Leave a Comment