PHL EATSPERIENCE INILUNSAD SA LUNETA PARK

INILUNSAD sa ilang parke sa lungsod ng Maynila ang Philippine Eatsperience : Love the Flavors, Love the Philippines, nitong Miyerkoles kung saan naka-highlight ang mga kilalang Filipino food o mga pagkaing Pinoy.

Pinangunahan ito nina Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, National Parks Development Committee, Executive Director Cecille Lorenzana-Romero at mga ambassador mula Malaysia at Thailand, ang aktibidad sa Noli Me Tangere Garden sa Rizal Park, Luneta.

Inilunsad din ito sa Baluarte Plano Luneta de Santa Isabel sa Intramuros, Maynila.

Ayon kay Frasco, ginawa ang Philippine Eatsperience ngayong Filipino Food Month bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan-diin ang mga pagkaing Pinoy at suportahan ang mga small, medium enterprises, at mga vendor.

Idinagdag pa ng kalihim ng turismo, na sa pamamagitan ng Philippine Eatsperience ay mararanasan ng ating mga kababayan at mga turista ang iba’t ibang flavors na iniaalok ng Pilipinas.

Bilang hudyat ng pagsisimula ng Philippine Experience ay binasag ng mga opisyal ang palayok sa Grand Launching.

Sa Rizal Park, bukas ang Philippine Eatsperience kung saan may mabibili at matitikmang iba’t ibang klase ng pagkaing Pinoy mula Huwebes hanggang Linggo, alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi. Wala namang entrance fee sa nasabing parke.

Bukas naman ang Philippine Eatsperience sa Intramuros mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lamang.

Dagdag pa ni Franco, layon ng DOT na bigyan ng exposure sa mga turista ang mga Pagkaing Pinoy – ang heritage, culture arts caravan kung saan pinupuntahan ang iba’t ibang destinasyon sa Pilipinas.

Pinapakilala rin aniya sa mga domestic at international tourism market ang Filipino food sa pamamagitan ng mga programa kung saan inilalagay ang spotlight ng tourism, marketing at promotions, at binibigyan ng oportunidad ang maliliit na local vendors (small at medium enterprises) na bumida naman sa galing ng kanilang pagluto ng iba’t ibang Filipino delicacies.

(JOCELYN DOMENDEN)

31

Related posts

Leave a Comment