INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na may karapatang bawiin ng mga botante ang kanilang pirma sa kampanya para isulong ang Charter Change o Cha-Cha sa pamamagitan ng people’s initiative kung sa pakiramdam nila ay nalinlang o napuwersa silang pumirma.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco, maaaring magtungo ang mga botante sa election officers at magbigay ng sinumpaang salaysay na binabawi nila ang pinirmahan sa anomang kadahilanan.
Kaugnay nito, aminado ang ilang botante na wala silang gaanong alam tungkol sa 1987 Constitution. Marami rin ang nagsasabi na sila ay inalok ng cash assistance kapalit ng pagpirma sa form.
Binigyan-diin ni Laudiangco na mahalaga para sa mga nais mag-withdraw ng kanilang pirma na personal na maghain ng kanilang pahayag o reklamo upang payagan ng komisyon na alisin ang kanilang pangalan at pirma sa listahan .
Magagawa ito anomang oras habang pinoproseso at bini-verify ng poll body ang pirmang isinumite sa kanila.
Maaari rin aniyang maghain ng motu proprio investigation ang Comelec basta may factual basis.
Itinanggi ng PIRMA ang anomang pagkakasangkot sa umano’y payoffs at paggamit ng programa ng gobyerno upang akitin ang mga botante na suportahan ang kanilang signature drive para sa Cha-cha.
(JOCELYN DOMENDEN)
133