PNP KAY QUIBOLOY: SUMUKO KA NA

NANAWAGAN kahapon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na lamang sa mga awtoridad.

Sa isang pahayag, sinabi ni Police Maj. Catherine Dela Rey, Police Region XI spokesperson, titiyakin nila ang kaligtasan at seguridad ni Quiboloy habang nasa police custody.

Noong Sabado ng umaga ay binasag ni self-proclaimed appointed son of god, ang kanyang pananahimik at sinabing hindi siya nagtatago, nais lamang niyang protektahan ang kanyang sarili sa kinatatakutang extradition nito sa United States.

Una nang umapela si Quiboloy kay PNP chief, P/General Rommel Francisco Marbil at maging sa NBI, na garantiyahan ang kanyang kaligtasan na hindi siya ibibigay sa kamay ng mga Amerikano at handa siyang lumutang.

Ayon kay Dela Rey, ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy na alleged sexual abuse at child abuse ay kapwa bailable.

Sa inilabas na statement ni Quiboloy, sinabi nito na isang patibong ang panawagan ng mga awtoridad na sumuko na lang ito at maglagak ng piyansa.

Ayon kay Quiboloy, sa oras na lumutang siya sa korte o sa Senado ay tiyak na may nag-aabang na sa kanya na mga tauhan ng FBI, o CIA para ma-extradite siya pabalik ng U.S.
“We believe na nandito pa siya sa Pilipinas o nasa Davao Region pa po siya,” ani Dela Rey.

Nabatid na inaantabayan na ng PNP Police Regional Office XI ang mga tauhan ng Senate Sergeant-At-Arms Office sa Davao City para sa hiwalay na arrest order.

Nilinaw ng PNP na ang tanging papel lamang nila ay ayudahan ang mga tauhan ng Senado at matiyak ang kanilang kaligtasan at maging ang safety and security ni Pastor Quiboloy.

(JESSE KABEL RUIZ)

60

Related posts

Leave a Comment