PUGOT NA ULO NI LOLA INIREGALO SA KAINUMAN

AGUSAN DEL SUR – Bunsod ng matinding kahihiyan makaraang pagbintangang nagnakaw, pinugutan ng isang lalaki ang kanyang 65-anyos na lola at dinala ang ulo sa kanyang mga kainuman sa Purok 1, Brgy. Canayugan, Bayugan City noong Martes ng tanghali.

Kinilala ng Bayugan City Police ang suspek na si Mario Fortun, nahaharap sa kasong murder matapos tagain sa leeg na ikinapugot ng ulo ng kanyang lola na si Rosalina Abing.

Ayon kay Police Colonel Shalom Faye Cornelio, hepe ng Bayugan City Police, inamin ng suspek ang krimen at sinabing nagawa niya umano ito dahil pinaratangan siya ng biktima na nagnakaw ng niyog.

Napahiya umano siya, kinantyawan at na-bully ng kanyang mga kaibigan.

Ayon pa sa imbestigasyon, bago nangyari ang krimen, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan.

Subalit nang malasing ay sinabi nito sa mga kainuman na uuwi lang siya at bibigyan niya ang mga ito ng regalo at hintayin lamang ang kanyang pagbabalik.

Laking gulat ng mga kainuman nang bumallik ang suspek na bitbit ang ulo ng biktima.

Sinabi rin ng suspek sa pulisya na hindi niya matanggap na tawagin siyang kawatan at siya ay matinding napahiya dahil narinig ito ng kanyang mga anak.

Ayon sa pulisya, may dati nang kasong pagkakasangkot sa ilegal na droga ang suspek.

Nakakulong na ang suspek sa Bayugan City Police Station custodial facility at nahaharap sa kasong murder.

(NILOU DEL CARMEN)

417

Related posts

Leave a Comment