QUARRYING SA BOTOLAN, ZAMBALES PINATITIGIL

NANAWAGAN sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang cause-oriented group na ipatigil ang malawakang quarrying sa Bucao River sa bayan ng Botolan, Zambales.

Inirereklamo ng grupong Anti Trapo Movement of the Philippines (ATM) ang China Harbor Engineering Corp., Global Sand Inc., Seven West Inc., Magna Corp Realty Development Corp at Harley Construction sa DENR dahil sa pinsalang dulot umano sa kalikasan ng kanilang pagku-quarry.

Ayon kay Leon Peralta, founding chairman ng ATM, malaki na ang nasira sa kalikasan ng Botolan sa quarrying sa naturang ilog.

Inakusahan din ni Peralta ang mga nabanggit na kumpanya na gumagamit umano ng 3 in 1 dredging equipment at ang kanilang hinuhukay ay kahalintulad ng ginawang reclamation ng China sa West Philippine Sea.

Ayon pa sa kanilang reklamo sa DENR, lumampas na ang mga ito sa itinakda na exclusive river dredging zone at napipilitan na lamang umanong magtiis ang mga residente na malapit sa ilog.
Inakusahan din ng grupo na dalawa lamang sa mga nabanggit na kumpanya ang may accreditation mula sa DENR.

Nauna na umanong dumulog ang mga residente sa DENR, DPWH at tanggapan nina Gov. Hermogenes Ebdane at Botolan Mayor Doris Maniquiz-Jeresano para ipawalang bisa ang Environmental Compliance Certificate ng mga naturang quarrying company subalit tila hindi anila pinansin ang kanilang sumbong.

Sa ngayon, tumataas na umano ng hanggang 10 hanggang 12 metro ang lebel ng tubig sa nasabing lugar at nagiging maalat na rin ang kanilang tubig inumin.
Nais ding paimbestigahan ng mga ito sa DILG, Ombudsman, NBI at Philippine Coast Guard ang illegal quarrying sa Zambales. (PAOLO SANTOS)

35

Related posts

Leave a Comment