RECLUSION PERPETUA SA MEDIA KILLINGS ISINULONG SA KAMARA

OTOMATIKO ang parusang reclusion perpetua sa sinomang papatay sa mga kagawad ng media kapag naipasa ang isang panukalang batas na nakahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa House Bill (HB) 9968 na inakda ni Benguet Rep. Eric Go Yap, pinaamyendahan nito ang Article 248 ng Revised Penal Code para isama ang media killings sa kasong murder na hindi pwedeng makapagpiyansa ang salarin at habambuhay na pagkabilanggo ang magiging parusa.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil ika-132 ang Pilipinas sa 180 bansa sa mundo na itinuring na “most dangerous place” para sa mga mamamahayag, base sa report ng World Press Freedom Index of Reporters Without Borders (RSF).

Sa report din aniya ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), umabot na sa 199 media workers ang napatay sa bansa mula 1986.

“Freedom of the press is among the key determinants of a country’s democracy. As the eighth (8th) worst country when it comes to prosecuting killers of journalists according to the 2023 Global Impunity Index, the country needs to impose more stringent penalties to the acts of killing journalists,” ayon sa panukala.

Sa kasalukuyang batas, tanging ang pagpatay sa ama, ina, anak, asawa at malalapit na kaanak ang otomatikong naparurusahan ng reclusion perpetua kaya nais ni Yap na maisama dito ang media killings bilang proteksyon sa mga mamamahayag na simbolo ng demokrasya sa Pilipinas.

(BERNARD TAGUINOD)

54

Related posts

Leave a Comment