RESORT OWNER, GRADE 9 STUDENT HULI SA BARIL

TIMBOG sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang may-ari ng isang resort dahil sa iba’t ibang uri ng matataas na kalibre ng armas sa raid sa bahay nito sa Barangay Magay II, Compostela, Cebu noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ng CIDG 7-Mandaue City Field Unit, ang suspek na si Joaquin Condevillamar Paez, 77-anyos.

Isinagawa ang raid sa bahay nito sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Allan Francisco Garciano, Executive Judge ng RTC 7 Branch 83 sa Mandaue City.

Halos dalawang oras na hinalughog ang bahay nito at nakuha dito ang apat na baril na 1- 9mm Ingram submachinegun; 1- caliber 380 pistol; 1- caliber 357 magnum revolver; at 1- caliber .45 pistol.

Ayon sa CIDG, kilala ang suspek na gunrunner sa lugar at walang lisensyang mga baril ang ibinebenta nito.

Nahaharap ang suspek sa kasong ng paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms, at sa COMELEC Gun Ban Resolution 10918.

Samantala, isang katorse anyos na Grade 9 student ang nasa balag ng alanganin matapos makitaan ng undocumented firearm ng mga tauhan ng military sa Takepan National High School sa Barangay Takepan, Pikit, Cotabato nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa ulat mula sa Philippine Army 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, nagsasagawa ng security operation ang kanilang mga tauhan sa Takepan Public Market, nang may nagsumbong hinggil sa isang mag-aaral na may dalang baril.

Sa pagresponde ng mga sundalo, nakuha sa pag-iingat ng binatilyo ang isang modified 5.56mm pistol na walang kaukulang lisensya.

Agad na dinakip ang suspek at saka dinala sa Pikit Municipal Police Station.

Ayon kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, commanding officer ng Army 90IB, lubhang nakaalarma sa school officials, mga magulang at sa local authorities ang insidente.

(NILOU DEL CARMEN/JESSE KABEL RUIZ)

291

Related posts

Leave a Comment