RIDER NASUNOG NANG MASAGASAAN NG CARGO TRUCK

BATANGAS – Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang motorcycle rider matapos na masagasaan ng isang 14-wheeler cargo truck sa National Road, sa Brgy. Poblacion 1, sa bayan ng San Jose sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktimang si Marlon Derama, 35-anyos, residente ng Brgy. Namuco, Rosario, Batangas.

Ayon sa report ng San Jose Police, dakong alas-5:45 ng hapon nang mabanggga ng Isuzu Giga cargo truck na minamaneho ni Basilio Fabro, taga Peñaranda, Nueva Ecija, ang motorsiklo ng biktima.

Nawalan umano ng preno ang truck na kargado ng mahigit 30 libong kilo ng soya, pagkatapos nitong lumiko sa kurbadang bahagi ng Makalintal Ave. sa Brgy. Poblacion 1 sa nasabing bayan.

Naararo nito ang sinusundang motorsiklo ng biktima bago ito sumalpok sa gate ng isang bahay sa gilid ng highway.

Sa lakas ng impact, dumanas ng grabeng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng rider na agad nitong ikinamatay. Nasunog pa ang motorsiklo nito at nadamay ang biktima.

Inaresto ng mga tauhan ng San Jose Police Station ang driver ng truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties. (NILOU DEL CARMEN)

102

Related posts

Leave a Comment