Sa pagsisimula ng PHL-US Balikatan BILANG NG CHINESE VESSELS SA WPS LUMOBO

HINDI nagpapahayag ng pagkabahala ang Armed Forces of the Philippines sa bigla umanong pagdami ng marine vessels ng China sa bahagi ng West Philippine kasabay ng pagsisimula ng isinasagawang joint maritime exercise ng Pilipinas at Amerika kasama ang French Navy at Australian forces.

Ayon kay Balikatan Exercises director for the Philippines, MGen. Marvin Licudine, inaasahan na nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng presensya ng China vessels sa ilang lugar na pagdarausan ng nakalatag na mga aktibidad ng Balikatan Exercises 39-2024 ngayong taon.

Ayon kay Licudine, sanay na sila na nakikita ang presensiya ng Chinese vessels sa disputed areas kaya hindi na sila nagtataka na makikita ang mga ito kasunod ng pagbubukas ng naturang military exercises.

Mula Abril 16, 2024 hanggang Abril 22, 2024, iniulat na may 124 Chinese vessels sa West Philippine Sea na kinabibilangan ng tatlong Peoples Liberation Army (PLA) Chinese navy vessel, 11 Chinese Coast Guard vessels at 110 Chinese militia marine vessels.

Nasa apatnaput’anim nito ang namataan sa PAGASA Island habang 38 naman ang nakitang umaaligid-aligid sa Bajo de Masinloc.

Hindi pa kinukumpirma ng Hukbong Sandatahan ang umano’y presensya ng dalawang Chinese Maritime militia vessels sa layong 30 nautical miles mula sa coastline ng Palawan, alinsunod na rin sa naging monitoring ng American maritime expert na si Ray Powell.

Ngunit inaasahan na aniya nila ang posibilidad na mamataan ang presensya ng China vessels lalo na’t may mga itinayo rin aniya ito na istraktura sa naturang lugar.

Sinabi pa ng opisyal, madalas naman na talagang nakikita ang mga barko ng Chinese Maritime militias sa West Philippine Sea mula nang umusbong ang territorial conflict sa lugar sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kung maaalala, una nang binigyang-linaw ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ang pagkakasa ng Balikatan Exercises sa bansa kasama ang Estados Unidos, ay isang taunang aktibidad ng Hukbong Sandatahan na layuning mas paigtingin pa ang defense capabilities at alliances ng mga sundalo sa kabila ng mas lumalalang agresyon ng China sa West Philippine Sea.

(JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment