11 HUMAN TRAFFICKING VICTIMS NASAGIP NG PHIL. NAVY

LABING-ISANG hinihinalang mga biktima ng human trafficking syndicate ang iniligtas ng mga tauhan ng Philippine Navy-Naval Forces Western Mindanao habang sakay ng isang motor launch sa Bongao, Tawi-tawi.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, nagsagawa ng anti-human trafficking operation ang intelligence operatives ng NFWM, katuwang ang 1st Special Operations Unit Maritime Group at Local Government Unit-Local Committees on Anti-Trafficking, na nagresulta sa pagkakaligtas sa 11 hinihinalang mga biktima ng human trafficking.

Binubuo ang mga ito ng dalawang babae at siyam na lalaki na patungo sana sa Sandakan, Malaysia sa pamamagitan ng backdoor channel nang walang kaukulang work at travel documents, lulan ng MV Magnolia Liliflora ngunit nasabat sa Bongao Pier, Brgy. Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.

Sa isinagawang initial investigation kasunod ng nabangit na operasyon ng Philippine Navy sa tulong ng 1st Special Operations Unit Maritime Group, Tawi-Tawi, TOG-Sultaw, PCTC-WMFO, PMFC Tawi-Tawi, Coast Guard Central Station Tawi-Tawi, inihayag ng mga biktima na pagdating sa Malaysia ay susunduin sila sa Sandakan ng tatlong tao na kinilalang sina Faizal, Rahim at Abs na pawang mga residente ng Semporna, Malaysia.

Matapos ang isinagawang rescue operation ay agad silang itinurn-over sa Maritime Police Assistance Post sa Bongao Pier para sa comprehensive profiling and documentation.

(JESSE KABEL RUIZ)

137

Related posts

Leave a Comment