SEARCH AND RESCUE SA MISSING CESSNA PLANE IPINAGPATULOY

IPINAGPATULOY kahapon ang search and rescue operation ng pinagsanib na pwersa ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Energy Development Corporation at Philippine Army, para sa nawawalang Cessna plane.

Ito ay makaraang masilip ng isang foreign rescue volunteers sa lente ng kanyang DSLR camera ang posibleng debris ng nawawalang Cessna 340 plane sa Bicol noong Sabado, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) kahapon.

Ayon sa OCD, muling ipinagpatuloy ng rescue team ang nabalam na paghahanap dahil sa sama ng panahon at kahapon ay tinahak nila ang posibleng crashed site sa Barangay Quirangay sa bayan ng Camalig, sa lalawigan ng Albay, malapit sa Brgy. Anoling, na sinasabing nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nasa second alarm.

Nauna ito, itinigil ang operasyon dahil madilim na sa lugar at masama ang panahon bunsod ng malakas na pag-ulan sa Camalig, Albay, 23-oras ang nakalipas mula nang inulat ang pagkawala ng eroplano na may sakay na apat na katao na lumipad mula Bicol International Airport, patungong Maynila.

Bukod dito, nasa loob ng danger zone ang lugar at malapit na sa tuktok ng Bulkang Mayon.

Kinilala naman ang piloto ng Cessna plane na si Capt. Rufino James Crisostomo Jr., mechanic Joel Martin, at dalawang pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan, pawang Australian national. (JESSE KABEL RUIZ)

178

Related posts

Leave a Comment