SEKYU UMAWAT SA AWAY, NAPATAY

CAVITE – Arestado ang isang lalaki habang pinaghahanap ang tatlong kasamahan nito na pinagtulungang patayin ang isang security guard na nagtangkang umawat sa kaguluhan sa bayan ng Silang noong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Angelo”, 35, isang construction worker, habang tinutugis ang mga kasamahan nito na sina alyas “Jonjon”, “Patrick”, at “Flores”, na tumakas matapos ang insidente ng pagpatay kay Joel Escaros y Baclayon, 38, at pagbugbog kay Jaymark Vera Y Gabuso, 25-anyos, kapwa ng Silang, Cavite.

Ayon sa ulat ni Police Corporal Ralph Jayson Santos ng Silang Police Station, nag-iinuman ang mga suspek sa Sitio Carpel, Brgy. San Vicente 2, Silang, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang hamunin ng suntukan ni Angelo ang isang Renyboy Santander na noon ay napadaan lamang sa lugar.

Nagising naman sa ingay si Vera kaya lumabas ito at namagitan subalit ikinagalit ito ng mga suspek. Sinuntok ito sa mukha ni Angelo habang pinalo naman ng bote sa ulo ni Jonjon.

Nagising din sa ingay si Escaros kaya lumabas din ito at sinaway ang mga suspek subalit pinagtulungan siyang bugbugin at saksakin nina

Angelo at Flores.

Isinugod sa Estrella Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Escaros.

(SIGFRED ADSUARA)

54

Related posts

Leave a Comment