AWAY SA LUPA TINAPOS SA BARILAN, MAG-AMA PATAY

TAYABAS CITY – Tinapos ng magkapatid ang matagal nang alitan ng kanilang mga pamilya hinggil sa pag-aagawan sa lupa sa pamamagitan ng pamamaril na nag-iwan ng dalawang patay noong hapon ng bagong taon.

Ayon sa report ng Tayabas City Police, nangyari ang insidente noong alas-5:00 ng hapon sa Barangay Isabang sa lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, matapos mag-inuman sa kanilang bahay, dinayo ng pamilya ng suspek na kinilalang si Armando Ormacido, sa bahay ang kanyang nakababatang kapatid na si Elgelito Ormacido, 64-anyos.

Kasama ni Armando ang kanyang mga anak at pamangkin kabilang sina Elmer, Christian, Venson, Vincent at ang isang kaanak nilang miyembro ng army.

Isa sa mga suspek na si Mark ang lumapit sa bahay at hinamon at pinagbantaan si Elgelito na noon ay nasa loob ng bahay kasama ang dalawang anak na lalaki na sina Rico, 37, at Joselito, 38-anyos.

Nilabas at hinabol ng tatlo ang suspek na si Mark, subalit pinagbabaril ang tatlo ng nakaabang na pamilya ni Armando.

Nagresulta ang pamamaril sa pagkamatay ng tatay na si Elgelito at anak nito na si Joselito. Sugatan naman ang isa pang anak na si Rico na isinugod sa ospital.

Tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril subalit naaresto ang lima sa mga ito kabilang ang tatay na si Armendo at ang miyembro ng army na kusang sumuko sa pulisya.

(NILOU DEL CARMEN)

142

Related posts

Leave a Comment