SENIOR PATAY SA MAGNANAKAW

QUEZON – Hinihinalang pinasok at pinagnakawan saka pinatay ng hindi kilalang akyat-bahay ang isang senior citizen na nadiskubreng naaagnas na sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Malusak sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.

Batay sa report ng Atimonan Police, nasa early stage of decomposition na nang makita ang bangkay ng 76-anyos na biktimang si Venancio Erne Fajardo sa sahig ng kanyang bahay at natatakpan ng foam pasado alas-10:00 ng umaga.

Nadiskubre ito nang magreklamo ang mga kapitbahay dahil sa masangsang na amoy na nanggagaling sa bahay ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakita ang mga bakas ng dugo sa sahig at nagkalat ang mga kagamitan sa loob indikasyon na hinalughog ang bahay.

Bukas din ang backdoor ng bahay at winasak ang steel grills nito.

Napag-alaman na mag-isang naninirahan sa kanyang bahay ang biktima.

Ayon sa mga kapitbahay, huli itong nakitang buhay noong Miyerkoles ng gabi habang nakikipanood ng television sa isa sa mga kapitbahay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at isinailalim sa pagsusuri ng PNP crime laboratory ang bangkay upang malaman ang sanhi ng pagkamatay nito. (NILOU DEL CARMEN)

10

Related posts

Leave a Comment