SINITA SA ARMAS NANG-HOSTAGE, PATAY SA PARAK

CAVITE – Namatay ang isang lalaki na unang sinita dahil sa pagdadala ng baril, nang kumasa sa mga awtoridad makaraang mang-hostage ng dalawa katao sa isang bahay sa Bacoor City noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang suspek si Danilo Gonzales, nasa hustong edad, namatay sa pinangyarihan ng insidente matapos i-hostage sina Danilo Obenia Agravante, 65, at Julieta Cabanto Agravante, 32, sales agent, kapwa residente ng Brgy. Molino 3, Bacoor City.

Ayon sa ulat ng Pat. Levin Sinatad ng Bacoor City Police, nagpapatrolya ang mga miyembro ng Mobile Patrol Sector 3 Charlie 2 sa kahabaan ng Camella Springville, Brgy. Molino 3 ng naturang lungsod dakong alas-3:30 ng madaling araw, nang mapansin ang suspek na armado ng baril.

Tinangkang arestuhin ng mga pulis ang lalaki subalit tumakbo ito patungo sa Nazareth compound. Sinundan ito ng mga awtoridad kung saan puwersahang pumasok ang suspek sa isang bahay at ini-hostage ang mga biktima.

Mabilis naman nagresponde ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Bacoor City Police at sinimulan ang negosasyon na umabot ng ilang oras ngunit ayaw pa ring makipag-cooperate ng suspek.

Hanggang sa itutok umano ng suspek ang baril sa mga awtoridad naging dahilan upang magpaputok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay nito at nasagip ang mga biktima. (SIGFRED ADSUARA)

98

Related posts

Leave a Comment