BUMUO ang Commission on Elections (Comelec) ng formal committee laban sa vote buying and selling.
Ito ang kinumpirma ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa ginanap na media forum.
Ayon kay Laudiangco , noon ay mayroong Task Force Kontra Bigay na nasimulan noong Eleksyon 2019 at itinuloy noong 2022.
Ngunit permanente na aniya ngayon ang komite na tinatawag nang “Committee on Kontra Bigay” na pinamumunuan ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda Jr.
Dugtong pa nito, magkakaroon na ng mga tao na tututok at mas magiging maayos ang koordinasyon sa law enforcement agencies para sa mga reklamo ng vote buying/selling.
Samantala, sinabi ng sa Comelec na bagama’t may komite na laban sa vote buying/selling, mabuti pa ring matingnan ng Kongreso at maamyendahan ang depinisyon ng bilihan o bentahan ng boto.
Noong 2022 national at local elections, inilunsad ng Comelec ang Task Force Kontra Bigay upang maiwasan ang vote buying sa panahon ng kampanya.
Ang vote buying at vote selling ay maikokonsidera bilang election offense sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code. (RENE CRISOSTOMO)
139