TSINO HAHABULIN SA CYANIDE FISHING SA BAJO DE MASINLOC

SASAMPAHAN ng kaso ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga mangingisdang Tsino kapag nakakuha ng legal na basehan hinggil sa di umano’y paggamit ng mga ito ng cyanide para sirain ang Bajo de Masinloc o ang Scarborough Shoal.

“If we feel that there is an enough ground to do so, we will,” ayon kay Pangulong Marcos sa sidelines ng 16th Ani ng Dangal 2024.

Iniulat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nakatanggap ito ng report na gumagamit ang mga mangingisdang Intsik ng cyanide para sirain ang Bajo de Masinloc at pigilan ang mga Pinoy na makapangisda sa lugar.

Inamin ng Pangulo na alam niya ang di umano’y cyanide fishing ng Chinese fishermen base sa ulat mula sa BFAR, subalit binigyang-diin na ang insidente sa Bajo de Masinloc ay mas nakaaalarma dahil tila nagiging karaniwan na itong ginagawa sa katubigan ng Pilipinas.

“I do know that there are cases of cyanide fishing before even here in the Philippines, but I think the reason that it has been more alarming is that it has become more prevalent kaya ‘yun ang inaalala natin,” ayon sa Pangulo.

Ipinag-utos na ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) sa BFAR na mangalap ng matibay na ebidensya na susuporta sa sinasabing cyanide fishing.
Samantala, tiniyak ng Department of Justice na titingnan ang nasabing reklamo ng mga mangingisdang Pinoy.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ito ay bilang pagtalima na rin at pagsuporta sa liderato ni Pangulong Marcos Jr.

(CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)

97

Related posts

Leave a Comment