ARREST WARRANT SA 2 ENVIRONMENT ACTIVISTS, ‘WARNING’ SA MGA AKTIBISTA?

ITINUTURING ng isang mambabatas sa Kamara na ‘warning” sa mga aktibista ang arrest warrant na inilabas ng isang korte sa Bulacan laban sa mga environment activist na sina Jhed Tamano at Jonila Castro.

“This sends a chilling message to all activists and human rights defenders who courageously speak out against injustice,” pahayag ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas.

Noong Martes, inilabas ng Doña R. Trinidad Municipal Trial Court ang arrest warrant laban sa dalawa kaugnay ng oral defamation na isinampa ng Department of Justice (DOJ) noong nakaraang taon.

May kaugnayan ang kaso sa press conference noong nakaraang taon kung saan iniharap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dalawang aktibista ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay isiniwalat ng mga ito na sila ay dinukot ng militar.

Inilabas ang arrest warrant, ilang araw pagkatapos na ipagkaloob ng Korte Suprema ang ‘writs of amparo and habeas data’ kina Tamano at Castro.

“It is deeply troubling that while the highest court of the land recognizes the grave nature of the situation faced by Tamano and Castro, a lower court has chosen to pursue legal action against them,” ayon pa kay Brosas.

Dahil dito, kinondena ng mambabatas ang arrest warrant na inilabas ng korte sa Bulacan laban kina Tamano at Castro dahil hindi nito kinilala ang desisyon ng Korte Suprema.

Nangangamba ang kongresista na maaaring gawin din ito sa ibang aktibista sa hinaharap kahit pagkalooban sila ng proteksyon ng Korte Suprema.

(BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment