KINUMPIRMA ng mga tauhan ng Bantay Dagat at environmentalist group na Tanggol Kalikasan ang namataang mga whale shark o butanding sa sa karagatan ng Tayabas Bay sa Quezon.
Ayon kay Edwin Frias, miyembro ng Bantay Dagat ng Sariaya, 20 malalaking whale sharks ang kanilang namataan habang sila ay nagpapatrolya sa territorial waters ng bayan ng Sariaya.
May kasama aniya ang mga ito na maraming iba’t ibang klase ng mga isda na siyang ikinatuwa ng lokal na mga mangingisda.
Ayon kay Frias, mula nang masawata ang illegal fishing sa lugar ay malimit na silang makakita ng paisa-isang butanding.
Noong 2016 pa pinahigpit ng pamahalaang lokal ng Sariaya ang kampanya laban sa illegal fishing.
Pero nitong nakaraang Huwebes, laking gulat at tuwa nila nang makita ang grupo ng naglalakihang mga butanding. Agad nila itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sinabi ni Danilo Larita Jr., Fishery Law Enforcement Officer ng BFAR 4A, nakatutuwa ang nangyari at napapanahon na lalo pang pagbutihin ang pagbabantay at pangangalaga sa karagatan.
Ayon naman kay CENRO Cyril Coliflores ng DENR-CENRO Tayabas, magandang senyales ang pagpapakita ng mga butanding o whale sharks sa Tayabas Bay.
Ito aniya ay malinaw na basehan na isulong ang mahigpit na pagkakaisa at pagtutulungan sa pangangalaga ng Tayabas Bay sa ilalim ng Marine Protected Area Network (MPAN) na lalagdaan ng LGU kasama ng DENR at iba pang ahensya ng gobyerno at mga organisasyong nagmamahal sa kalikasan. (NILOU DEL CARMEN)
