BANTANG PAGBIBITIW ITINULOY NG MGA NARS

HINDI nagpatinag ang mga healthcare worker sa pakiusap ng Department of Health kaugnay ng kabiguan ng nasabing kagawaran na ibigay ang kanila matagal nang hinihintay na hazard pay at special risk allowances.

Bilang pambungad, 23 nurse na nakatalaga sa Emergency Department ng Saint Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City ang sabayang nagbitiw na lubhang ikinabahala ng mga namamahala sa nasabing pribadong pagamutan.

Mula sa 66 na nars sa kanilang ER, 43 na lamang ang naiwanan, dahilan upang lubos na mangamba ang pamunuan ng naturang ospital na hindi na halos magkamayaw sa dami ng kanilang inaasikasong pasyente.

Maging ang COVID ward at Critical Care Unit, puno na din ayon sa pamunuan. Katunayan anila, marami pang pasyenteng pinaniniwalaang tinamaan ng COVID-19 ang naghihintay na ma-admit ng kanilang pasilidad.

“Talagang bawas ng tao dahil sa resignation na marami ay pumunta sa ibang bansa para doon magtrabaho”, ani Chief Medical Officer Benjamin Campomanes Jr.

Bukod sa mga nagbitiw, malaking bahagi din umano sa hanay ng mga medical workers ng nasabing pasilidad ang hindi nakakapasok sa trabaho dahil maging sila’y tinamaan ng nakakamatay na sakit na kanilang nakuha bilang pagtugon sa kanilang tungkulin.

Pag-amin pa ng St. Luke’s, nasa 30% na ng kanilang workforce sa health care unit ang nabawas. Ang masaklap nito ayon kay Campomanes na siya ring Executive Vice President ng St. Luke’s Medical Center, hindi lamang ang St. Lukes BGC Taguig ang puno na kundi maging ang kanilang ospital sa E. Rodriguez Ave. sa Quezon City.

Sa kasalukuyang sitwasyong kinakaharap ng St. Luke’s Hospital, pinayuhan nila ang mga may sintomas ng COVID 19 na magpatingin o magpagamot sa ibang healthcare institutions sa Metro Manila. (DAVE MEDINA)

166

Related posts

Leave a Comment