BARBERS ‘SINAMPAL’ NG LIBEL SUIT NG VLOGGERS

ELLIPTICAL, Lungsod Quezon — Naghain ng reklamong libelo sa Quezon City Prosecutor’s Office ang ilang vloggers laban kay Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers makaraang hilingin ng kongresista sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga ito batay sa mga ulat na may koneksyon umano sila sa ilegal na droga at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Atty. Rose Beatrix ‘Trixie’ Cruz-Angeles, isa sa mga complainant at dating press secretary ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang mga alegasyon ni Congressman Barbers ay naging dahilan para hindi sila makatulog sanhi ng pangamba at takot hindi lang sa kanilang sarili kundi sa kanilang pamilya na dulot ng akusasyong konektado sila sa kalakalan ng ilegal na droga at operasyon ng pinagbawal na mga POGO.

Kasama ni Angeles na nagsampa ng kasong libelo sina Lorraine Badoy, Krizette Chu, Cathy Binag, Joie De Vivre, MJ Quiambao Reyes at Mark Anthony Lopez.

Bilang tugon, sinabi ni Barbers na walang siyang binanggit na pangalan sa kanyang naunang pahayag.

“I did not name names….. might be an admission of guilt?” tila patutsada pa nito sa mga vlogger.

Una nang nagsampa ng petisyon ang mga vlogger sa Korte Suprema para ipatigil ang imbestigasyon ng Tri-Committee sa fake news kaya hindi na ikinagulat ng mambabatas ang libel case na isinampa laban sa kanya at ibang mambabatas.

Nag-ugat ang isinampang kaso sa dalawang privilege speech ni Barbers kung saan tinawag nito bilang mga “narco-vloggers” ang mga social media personalities na bastos, gumagamit ng masasamang salita at pinagmumura ang mga miyembro ng Quad at Tri-Comm.

“If those who filed the libel cases against me all felt alluded to as narco-vloggers, then it could be seen or interpreted that indeed they were. Bakit kayo masasaktan kung hindi kayo guilty?,” ayon pa sa mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na iginagalang ng mga ito ang malayang pagpapahayag na nakasaad sa Saligang Batas subalit hindi umano ito dapat gamiting lisensya ng vloggers para siraan ang reputasyon at akusahan nang walang batayan ang ibang tao.

Pinuna rin ng mambabatas na ang mga nagsampa ng libel case laban sa kanya ay ipinatawag ng Tri-Comm subalit imbes na dumalo sa pagdinig ay naghain ang mga ito ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang trabaho ng Kongreso.

“Malinaw dito na gusto nilang gamitin ang mga Korte na fodder o panangga sa kanilang pagpapa-kalat ng kasinungalingan at paninirang puri ng mga tao na kontra o di umaayon sa kanilang mga politikal na adhikain,” ayon pa sa mambabatas.

“And common sense dictates that many, if not all, of these particular vloggers are mouthing the same propaganda lines of their principals. Okay lang sa akin na punahin ang mga palpak o mali sa aming trabaho, pero pag mumurahin o babastusin nyo na kami ng walang malinaw na dahilan at deliberate na di kukunin ang aming panig sa isyu sa inyong pagba-vlog, ibang usapan na yun,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Barbers na ang pag-iwas ng mga ipinatawag na vloggers na dumalo sa pagdinig ng Tri-Comm “ay nangangahulugan lang na ang mga ito ay may pagka-duwag at di kayang panindigan ang kanilang mga pinagsasasabi at ikinakalat na mga kasinungalingan at paninirang puri sa social media”. (PRIMITIBO MAKILING)

36

Related posts

Leave a Comment