RAPIDO NI TULFO
MARAMI tayong natatanggap na mga reklamo ngayon ukol sa matagal na pagproseso raw ng Department of Migrant Workers (DMW) sa ipinangakong cash assistance sa mga biktima ng tinagurian nilang “balikbayan box scam”.
Ayon sa sumbong ng ilan na nagpunta sa tanggapan ng DMW sa Ortigas, halos dalawang buwan na raw nang sila ay magsumite ng requirements para makakuha ng cash assistance.
Pero wala pa rin daw linaw kung kailan ito maibibigay ng naturang ahensya.
Ang masama pa niyan, mukhang hindi alam ng ilang empleyado ang cash assistance para sa mga biktima ng balikbayan box scam, dahil ang sinasagot daw ng ilan sa mga ito ay walang pondo ang DMW para rito.
Ito naman ay mahigpit na pinabulaanan ng kalihim ng Department of Migrant Workers na si Sec. Hans Leo Cacdac. Ayon kay Sec. Cacdac, walang katotohanan na walang pondo ang kanilang tanggapan dahil bilyong piso nga raw ang budget ng ahensiya.
Bilang katunayan ay dinagdagan pa nga raw ang ipinamimigay na assistance, mula sampung libong piso (P10,000) ay ginawa itong tatlumpung libong piso (P30,000) kada OFW.
Pero bakit nga ba napakatagal ng proseso ng pagbibigay ng cash assistance samantalang naibigay na ng claimants ang mga dokumento na hinihingi ng ahensya?
Kulang ba sa mga tauhan ang Department of Migrant Workers para maproseso ang claims na ito?
Hindi pa rin nasisimulan ang delivery ng Tag Cargo balikbayan boxes mula Kuwait sa mga may-ari nito. Dalawampu’t limang containers ang nakatengga pa rin sa Davao at Manila International Container Ports na naglalaman ng mahigit na 7,250 balikbayan boxes, sa aming kalkulasyon.
Hindi magiging madali ang delivery nito lalo na’t kailangan pang pagsama-samahin ang mga kahon depende sa lugar kung saan ito idedeliver.
Wala pa ni isang container ang nailabas sa Bureau of Customs dahil nasa pagproseso pa ng mga dokumento ng deed of donation bago ito maisagawa.
Matatandaang ibinalik sa tanggapan ng BOC ang deed of donation dahil may ipinabago si Sec. Cacdac dito.
Ngayon ang pinaka-latest na update dito, nabago na ang dokumento at naibalik na ito sa DMW para mapirmahan ni Sec. Cacdac.
