KINUMPIRMA kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na inirekomenda na ang pagtanggal kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa talaan ng kanilang Reserve Force.
Ayon kay Philippine Army Public Affairs Office chief Col. Louie Dema-ala, lumabas sa masusi at impartial na imbestigasyon ng Army-NCR Regional Community Defense Group (NCRRCDG) na may basehan ang rekomendasyon para sa “delisting” ni Barzaga.
Batay sa ulat, si Barzaga ay lumabag umano sa General Headquarters (GHQ) Standard Operating Procedure No. 07 matapos maglabas ng mga pahayag sa social media na tila nagsasaad na ang AFP, PNP, at mga reservist ay sasali sa September 21, 2025 rally na tumutuligsa sa Pangulo.
“His actions were classified as a grave offense of misconduct,” ayon kay Dema-ala.
Nilinaw naman ng Army na ang desisyon ay limitado lamang sa status ni Barzaga bilang reservist, at walang epekto sa kanyang karapatan bilang sibilyan o halal na opisyal ng bayan.
“Muli, nananawagan kami sa lahat ng active-duty personnel at reservists na panatilihin ang military professionalism at non-partisanship, alinsunod sa AFP Code of Ethics, upang mapangalagaan ang noble profession of arms,” dagdag ni Dema-ala.
(JESSE RUIZ)
205 