ALLAN “ALI” LABASAN, UMALMA SA ISYU NG SCAM – “AKO ANG BIKTIMA!”

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

MATAPOS mag-ingay ang Saksi Ngayon sa inilathalang reklamo ng ilang OFW sa Al Khobar, Saudi Arabia na may pamagat na “Pinoy ini-scam ang mga OFW gamit ang pangalan ng MWO”, biglang sumabog ang reaksyon mula mismo sa isinusumbong na si Allan Joseph “Ali” Labasan.

Mariing itinanggi ni Ali ang mga paratang at iginiit na siya’y hindi kailanman nanloko ng kapwa OFW. Ayon sa kanya, pawang kasinungalingan ang mga isinusumbong ng mga nagrereklamo. Mas matindi pa rito, siya raw mismo ang tinatakot! “Sabi nila, hindi ako tatantanan hanggang sa gumapang ako,” matapang na pahayag ni Ali.

Partikular na tinukoy ni Ali ang kaso ni Dan. Aniya, wala siyang direktang transaksyon dito at dalawang buwan na siyang nakikipag-ugnayan sa HR ng kumpanya ni Dan. Gayunpaman, inamin niya na siya’y tumulong sa mga transaksiyon ni Ronnel, ngunit wala raw itong kinalaman sa mga akusasyong panlilinlang.

Ngunit hindi nagpatinag ang kampo ng mga nagrereklamo. Sina Ronnel Enillo, Dan Valdiya, at John Bernard ay agad na nagsumite ng mga kasulatan at dokumento na umano’y nagpapatunay na nakuhaan sila ng pera ni Ali kapalit ng mga pangakong pagbabayad sa utang—mga pangakong hanggang ngayon ay nananatiling salita lamang.

Habang patuloy na nagbabangayan ang dalawang panig, nananatiling tanong ng publiko: Sino ang tunay na biktima at sino ang tunay na manloloko? Abangan ang susunod na kabanata sa iskandalong ito na patuloy na yayanig sa komunidad ng mga OFW sa Gitnang Silangan!

201

Related posts

Leave a Comment