HINILING ng Senate Blue Ribbon Committee sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bumuo ng Task Force upang imbestigahan ang posibleng P7.56 billion na income taxes na dapat bayaran ng mga supplier ng P42 bilyon na halaga ng COVID 19-related medical supplies.
Inaprubahan ni Senate committee chairman Richard Gordon ang mosyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon nais niyang imbestigahan ng BIR ang internal tax revenue (ITR) documents kaugnay sa kontrata ng Department of Budget and Management Procurement Service.
Kasabay nito, inaprubahan ng komite na ilabas sa publiko ang mga dokumento na isinumite ng BIR.
Kabilang dito ang dokumento may kinalaman sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, Linconn Ong, Rose Nono Lim at Xuzhou Construction Machinery Group Import and Export Trading Co, Inc.
Sinabi ni Drilon na ang Xuzhou ay hindi nagbayad kahit P1 para sa income taxes mula sa P2.2 billion contract na nakuha nito mula kay Lloyd Christopher Lao ang dating PS-DBM chief.
Kasabay nito, hiniling din ni Gordon sa Bureau of Customs at Land Transportation Office (LTO) na suriin ang luxury cars nina Mohit Dargani at Twinkle, gayundin ni Linconn Ong. (DANG SAMSON-GARCIA)
