(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)
UMAPELA na ang iba’t ibang indibidwal at grupo sa kampo ng mga Marcos at Duterte na pahupain ang tensyon para sa kapakanan ng bayan.
“Cool it down for the sake of the country,” ang pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa lumalalim na away nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
“I think the less we talk about that, the better. My God, we are one country, one people. We have to fight our political debates in a very straightforward manner. Let us cool it down, cool it down for the sake of the country,” ang sinabi ni Enrile sa isang panayam.
Matatandaang galit na sinabi ni VP Sara na may kinausap na siya para ipatumba ang First Couple na sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kanya.
Gayunman, nilinaw ni VP Sara na ang kanyang “assassination statement” ay hindi pagbabanta, binigyang-diin lamang aniya niya ang di umano’y banta sa kanyang seguridad.
Bilang tugon, ipinangako naman ni Pangulong Marcos na lalabanan niya ang ganitong mga criminal attempt.
“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan?” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang video statement.
“Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. ‘Yan ay aking papalagan,” dagdag na wika nito.
Senado Mamagitan
Hinikayat naman ni dating senador Panfilo Lacson si Senate President Francis Chiz Escudero na gumawa ng hakbang o paraan upang maibaba ang tensyon sa pagitan nina Pangulong Marcos Jr. at VP Sara.
Sinabi ni Lacson na nakikita niyang malaki ang pag-asa kung ang Senado sa pamamagitan ng Senate leader ang mamagitan upang mabawasan ang tensyon.
Malabo anyang ang mga kongresista ang mamagitan dahil mainit na rin ang Kamara kay VP Sara.
Maging ang mga mamamahayag ay hinikayat din ni Lacson na ‘wag nang pagsabungin pa ang dalawang lider dahil ang kawawa dito ay ang taumbayan.
Malaki anya ang magiging epekto kapag nagpatuloy ang tensyon dahil maraming negosyante ang mag-aatubiling mamuhunan sa bansa.
Apela Ng Simbahan
Maging ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay umapela sa mga lider ng gobyerno na ang pamumuno at paglilingkod sa mga Pilipino ang pagtuunan ng pansin.
Nanawagan din si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga lider na isantabi ang kanilang pagkakaiba at sa halip ay magtrabaho na lamang para paunlarin ang lahat ng mamamayan.
Handa umano si Bishop Santos na tulungan ang magkabilang kampo na ayusin ang kanilang mga gusot.
52