BOC NABABALOT NA NAMAN SA KONTROBERSYA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG nakawawasak ng isang opisina ng gobyerno ang kontrobersya na nakapaloob dito, malamang matagal nang naglaho ang Bureau of Customs (BOC).

Hindi pa man natutuldukan ang mga naunang kontrobersiya na bumalot sa Customs ay may panibago na namang isyung kinasasangkutan ito na pinagkakaperahan.

Kamakailan nagbanta si Customs Commissioner Bienvenido Rubio na magkakaroon ng sibakan sa Aduana dahil sa tangkang pagbebenta ng P270 milyong halaga ng smuggled cigarettes.

Sinabi ni Rubio na oras na mapatunayang positibo ang isasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa report na may tangkang pagbebenta ng mahigit sa P270 milyong halaga ng smuggled cigarettes at may kasabwat na taga-Aduana, sisibakin niya ang mga ito.

Sawa na ang taumbayan sir, sa mga ganyang salitang sibakan, hindi naman daw mawawalan ng trabaho ang inyong sisibakin, ililipat n’yo lang ng pwesto ang mga ‘yan at ‘pag lumamig na ang isyu, ay muling babalik ang mga ‘yan sa “juicy position.”

Kung ipakukulong n’yo ang mga ‘yan at kukumpiskahin ang mga yaman nila, maaaring paniwalaan pa kayo ng taumbayan.

Kung ang mga komisyuner at iba pang opisyal ng BOC ay co-terminus ng Pangulo ng bansa at papalitan tuwing may bagong presidente, ang mga empleyado nito ay nananatili sa kani-kanilang mga pwesto.

Sila ang mga nakakaalam kung papaano gagawan ng paraan na makalusot at pagkaperahan ang mga kontrabando sa Aduana, depende ‘yan sa basbas sa kanila ng kanilang mga bossing.

Kaya hindi na naniniwala ang taumbayan sa mga ganyang press release na sibakan sa Customs. Maraming beses nang ang statement na katulad ng ginawa n’yo ay inilabas na rin ng nakaraang mga hepe ng Aduana, pero hindi naman nawala ang katiwalian diyan.

Hindi lang mga ordinaryong kargamento ang nakalulusot diyan sa Customs, pati na rin ang illegal drugs. Hindi nakalilimutan ng mamamayan ang usapin hinggil sa magnetic lifter na naglalaman ng toneladang shabu, walang napakulong na consignee at may-ari ng kontrabandong ito.

Lumabas din sa isinagawang pagdinig ng QuadCom ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na may mahigit kumulang sa 700 containers ang nawala sa bakuran ng Aduana, nasagot ba ng Customs ‘yan kung saan napunta?

Ngayon baka sabihin ni Comm. Rubio na hindi niya panahon ‘yan, sige sir, sa panahon mo, nawala na ba ang “Tara” sa Customs?

May mga ulat daw na nagkumpirma na may mga tauhan ng Customs na nasasangkot sa tangkang pagbebenta ng P270 milyong halaga ng smuggled yosi mula sa Capas, Tarlac.

Ang sigarilyong ito ay matagal nang nakumpiska ng Bureau of Customs, na nakaimbak lamang at tinangkang ibenta, pinaghihinalaang may kasabwat na nasa Aduana.

Pinalamig muna nila ang isyu sa pagkakasabat sa smuggled cigarettes at nang lumamig na ay saka nila tinangkang ibenta, maaaring may nag-ahas sa kanila kaya nalaman ni Rubio. Mayroon namang nagsasabi na papogi lang daw ni Rubio ang nasabing sibakan?

Ang shipments na ito ay dumating sa bansa sa pagitan ng Hulyo 2021 hanggang Hunyo 2022 na inabandona pagkatapos na masabat at nakatakdang sirain noong 2023.

Ang kontrabandong ito ay nakalagay sa limang (5) containers na natuklasan na smuggled, na ang apat (4) ay orihinal na naka-consigned sa Hongcim International Corp., at ang isa ay sa Proline Logistics Philippines Inc.

Natatandaan ko pa nang may makausap ako na dating opisyal ng Customs, sinabing ang smuggling ng sigarilyo raw ang pangalawang pinagkakakitaan dito, una ang illegal drugs sa bansa.

Mas magaan pa ang parusa rito kung mahuhuli kung ikukumpara sa illegal drugs na habangbuhay na pagkabilanggo. Kaya naman pala ang daming pumapasok sa smuggling ng sigarilyo.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

46

Related posts

Leave a Comment