BISTADOR ni RUDY SIM
KASALUKUYANG sinusuri umano ni PBBM ang performance ng bawat miyembro ng ahensya ng pamahalaan, ito ang pahayag ng bagong press officer ng Palasyo na si Claire Castro, upang malaman kung mayroong dapat sibakin sa puwesto.
Ang naging pahayag ng Pangulo ay tila hindi na pinaniniwalaan ng taumbayan dahil sa talamak na korupsyon sa mga ahensya ng gobyerno, isa na rito ang Bureau of Immigration na noo’y tinukoy ng Pangulo na marami ang ulong gugulong dahil sa nagawang pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ngunit sa bandang huli ay isa lamang ang nasibak sa katauhan ni dating BI Commissioner Norman Tansingco.
Imbes na magtalaga ang Pangulo ng bagong hepe ng BI ay bakit ipinagkatiwala kay DOJ Secretary Boying Remulla ang pagpili sa noo’y deputy ni Tansingco na si Joel Anthony Viado na siyang bata naman ni Remulla at tila naging bulag-bulagan ito ngayon sa mga nangyayaring katiwalian sa ahensya kumpara sa panahon ni Tan5 na laging kontra ang pahayag ni Remulla laban sa BI.
Mabilisan ang pagpapalabas noong nakaraang taon ni Vayad-O este Viado, ng order ng recognizance at pilit na pagpapatahimik sa isyu ng pagpapalaya sa 41 foreigners na illegal POGO workers na hinuli ng PAOCC sa Bagac, Bataan.
Sa bilis na tila nakapiring ang mga mata ng abogado ng BI, at hindi na pinag-isipang maigi ng may akda ng order na si Atty. Neil Ganias ng BI Legal Division, upang payagang makalabas ang 41 foreigners na walang binayarang piyansa sa katwirang wala umanong kakayahan ang mga ito na makapagbayad. Paano magiging indigent ang mga ito samantalang noong binuksan ng PAOCC ang nakumpiskang vault sa POGO hub ay nakakuha ng P112.3 cash sa loob nito. Anyare BI, sino ang kumita sa inyo, bakit hanggang ngayon ay hindi pa ninyo idineport ang 41 foreigners kahit may utos na ang Malacañang?!
Isa na rin sa mainit na pinag-uusapan sa BI ay ang ibinisto natin na pagtungo ni Deputy Commissioner Daniel Laogan sa warden facility ng ahensya sa Camp Bagong Diwa, Bicutan upang kausapin ang ilang Chinese inmates dito na may kasong may kinalaman sa pamemeke ng kanilang Filipino citizenship. Ano ang dahilan ng pagtungo na ito ni Laogan sa piitan ng arestadong mga dayuhan? Upang sila ba ay tulungan sa kanilang kaso?
Mabuti sana kung ikaw ay isang private lawyer, sir, nakalimutan mo na ata na ikaw ay isang public official, at sa hinahawakan mong kapangyarihan ay hindi ka dapat maging pabor sa kaso ng iyong kliyente. Bakit kaya ang sipag mo sir, na kahit hindi opisyal ang lakad mo at nakapambahay ka lamang na damit ay sumugod ka sa kulungan? Iba na talaga ang may “Rich”, maganda na, bata pa!
Ang kaso ni Alice Guo sa BI, Bakit hindi ninyo tutukan dyan sa Palasyo? Bakit hanggang ngayon ay walang update ang ahensya sa kaso samantalang sinabi noon sa isang presscon na after 15 days ay ilalabas nila ang resolution. Anyare, nagkabayaran na ba??
Dapat na silipin ng Malacañang ang ginagawang pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilan sa kasalukuyang opisyal ngayon sa BI bago muling sumabog ang mas malaking kahihiyan sa gobyerno ni PBBM.
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
