KAPE at BRANDY ni Sonny T. Mallari
MUSTA NA? Nasa limang buwan pala akong hindi nakapagsulat ng kolum. Bigla akong nawala sa sirkulasyon. Ganito na nga siguro ang tumatanda. 72-anyos na ako nitong nakaraang Agosto siyete. Madali na akong mapagod. May diperensya pa ang aking mata (bulag na ang kanan dahil sa palpak na operasyon sa katarata, mahigit 30 taon na ang nakararaan). Tinamaan pa ng glaucoma ang kaliwa nitong Nobyembre kaya lumala pa ang problema ko sa paningin lalo na kapag matagal akong napapatitig sa screen ng aking desktop computer.
Kapag minsan, dahil sa sunod-sunod na news reports na kailangan kong isumite, (correspondent ako ng PH Daily Inquirer sa Calabarzon region, 28 taon na,) napapababad ang aking mata sa harap ng computer. Hindi ko na halos namamalayan ang oras. Kaya naoobliga si kumander na sapukin ako (hindi naman malakas. He, he, he) para lang pansamantala akong huminto upang ipahinga ang mata. Kailangan kasi ang todong pag-aalaga sa aking kaliwang mata dahil solo na lang siya. Pero inihahanda ko na ang aking sarili na darating ang panahon na tuluyan na rin akong mangangapa sa dilim dahil ito talaga ang sinasapit ng sinomang may glaucoma. Sabi naman ng eye doctor ko ay huwag kong isipin ‘yun dahil matagal pa bago ‘yun maganap basta’t diretso lang ang gamutan.
May nagpapayo na ipaopera ko ang aking kaliwang mata para baka sakaling gumaling o mawala ang glaucoma. Ayaw ko na. Na-trauma na ako sa naging palpak na operasyon sa kanang mata. Baka mamaya ay muling sumablay at tuluyan na akong mabuhay sa dilim. Okey na sa akin ang sitwasyon ko ngayon. Nakapagmamaneho pa naman ako kahit ang kaliwang mata na lang ang nakakikita. Klaro pa sa akin ang kalye. Kaya maski na mahal ang gamot, lalo na ang apat na eye drops na reseta sa akin, todo kayod na lang ako at nasa likod ko naman ang aking pamilya sa anomang kagastusan. Masuwerte kung nakahihingi ako ng ayuda sa gobyerno pero madalang pa ito sa patak ng ulan. Yes! Pumipila ako sa DSWD, sa City Hall at kapitolyo para manghingi ng gamot. Akala ba ninyo ay mayaman ako dahil peryodista? Wrong. Kabilang ako sa mga nasa ibaba ng tatsulok ng lipunan. Hindi ko ginagamit ang propesyon ko sa mga lisyang gawain para magkapera. May mga mababait naman akong kasamahan at kaibigan na nakauunawa sa kalagayan ko. Minsan ay nagpapadala sila ng tulong na pambili ng gamot.
Araw-araw ay 11 tableta at kapsula ang tinitira ko bukod pa ang apat na eye drops na siyam na beses kong ipinapatak sa kaliwang mata simula umaga hanggang gabi bago ako matulog. Hindi ko alam ang pangalan ng mga gamot ko dahil sa dami. Si Kumander na lang ang naghahanda at inilalagay sa maliit na platito sa aming lamesang kainan ang gamot na kailangan kong tirahin. Wala nang balot. Inalis na niya. At sa gabi naman ay ipinapatong na lang niya sa tabi ng aming higaan. Ako na ang bahala. May sarili rin siyang gamot araw-araw. Kapag nakita niyang nagmamatira na ang gamot sa kanyang medicine box, yayayain na niya ako para bumiling muli. Sa awa naman ng Panginoong Diyos, hindi naman kami nawawalan ng pambili. Praise the Lord!
##########
Bakit ko naikuwento ito? Upang minsan pa ay mapaalalahan ko kayo na kailangang pangalagaan natin ang ating kalusugan. Huwag abusuhin ang katawan kahit bata pa. Darating at darating ang araw ng paniningil. Saksi akong buhay sa katotohanan nito. Dati akong drug addict noong kabataan ko. Cocaine (wala pang shabu noon), marijuana, sari-saring tableta at kapsula kasama na ang cough syrup – sila ang kaulayaw ko sa 24 oras. Nang masipa ko ang droga, naging alcoholic naman ako na kahit solo ay lumalaklak ng alak araw-araw. Mahigit 30 taon na ang nakararaan nang magsimula akong magbagong buhay alang-alang sa aking pamilya. Inalis ko na rin ang kape at pagkain ng karne. Todo ang diyeta sa pagkain kasabay ang ehersisyo araw-araw. Dalawang beses isang taon ang medical check-up kasama ang kumpletong blood laboratory na madalas ay palaging normal lahat.
Pero noong nakaraang Covid-19 pandemic, bumigay ang katawan ko dahil na rin sa pressure at tension ng trabaho kasama na ang pagod sa araw-araw na pakikibaka para mabuhay nang maayos. Bumagsak ako sa PH Heart Center. Tatlong bara sa puso ang nakita at inalis. Tinanong ko nga ang doctor kung bakit nagkasakit pa ako sa puso gayung clean lifestyle ako sa nakalipas na 25 taon. Iisa ang simpleng tugon niya – ang karamdaman ko sa puso ay resulta ng buhay ko noong una. Noong todo abuso ako sa aking katawan.
Malaking bagay rin ang diskuwento sa pagbili ng gamot ng mga katulad kong senior citizen. Sana nga dagdagdan pa ang discount at kung maaari ay gawing libre ang regular na maintenance meds sa altapresyon, sakit sa puso, at iba pang karamdaman kaakibat ng pagtanda. Meron ngang libre sa Philhealth YAKAP pero madalas ay aabutin ka naman ng buryong bago ka ma-check-up ng doctor at makakuha ng libreng gamot. Ganito na yata talaga ang sistema sa ating gobyerno. Sabi nga ng maraming kakosa kong oldies, ang mga nararamdaman naming sari-saring sakit ay resulta ng mahabang panahong pagkabuwisit sa ating pamahalaan – sa walang humpay na pagtaas ng halaga ng bilihin, sa patuloy at lalo pang lumalalang kahirapan ng buhay, kasabay ng mga nasasaksihang kapalpakan ng mga namumuno at ang mas grabe ay ang walang katapusang kawalang-hiyaang pagnanakaw sa salapi ng taong-bayan. Napaiiling na lang ang marami na parang tinatanggap na ganito talaga ang buhay ng mga Pilipino at hindi na ito mababago at titino. Kaya ang katwiran – talagang nararapat lang na sagutin ng estado ang gamutan ng mga senior citizen dahil ang gobyerno ang dahilan kaya nagkasakit. Napapatawa na na nga lang ako. Pero may lehitimong basehan ang argumento.
##########
Kaya ang maipapayo ko sa mga matatanda sa paligid – iwasan na ang pagbabasa ng mga balitang may kaugnayan sa kapalpakan o korapsyon sa iba’t ibang sangay ng gobyerno – lokal man o nasyunal. Mabubuwisit lang kayo at tataas pang lalo ang inyong presyon. Kapag nagkakaumpukan sa barberya o sa paboritong tambayan sa shopping mall, balikan na lang mga kalokohan noong nakaraan. Ang mga ito na lang ang pag-usapan. Sino-sino ang mga niligawan at naging siyota at sino rin ang bumasted. At natitiyak kong basta’t paksa tungkol sa babae, wala itong umay na pagkuwentuhan. Ganito rin naman ang mga kaedad nating bebot. Tiyak na kapag sila-sila lang ang nagkukuwentuhan, tayo namang mga lalaki ang pinupulutan.
Pero kapag malapit na ang eleksyon, magsilbi naman sana tayong gabay sa ating paligid kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan ng ating sagradong boto. Marami tayong sariling karanasan na magbibigay sa kanila ng mga makabuluhang aral upang maiiwas natin sila sa mga naging pagkakamali natin noon sa pagpili ng kandidato. At sana, huwag gumaya sa atin ang susunod na henerasyon – mga sakitin dahil sa imbyerna sa gobyerno at mga opisyales at tauhan nito. Amen!
##########
Pahabol na babala sa sinomang sibilyan lalo na kapag politiko na hihiranging opisyal ng AFP Reserve Command – huwag na huwag ninyong lalagyan ng mga borloloy na pekeng medalya ang inyong uniporme. Magmumukha kayong tsipipay na payaso na pagtatawanan ng publiko. At nakasusuka. PWE!
Sa susunod na kolum…GAME NA!
54 