HUWAG NANG INTRIGAHIN ANG IMPEACHMENT TRIAL

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA mga nakalipas na linggo, maayos na naidaos ang impeachment trial sa ilalim ng pamumuno ng Presiding Officer na si Senator Francis “Chiz” Escudero. Kapansin-pansin ang kanyang balanseng paghawak sa proceedings at ang mabilis na pagresolba sa mga usaping kinakaharap ng impeachment court.

Dahil dito, nakapagtataka na habang maayos na nagpapatuloy ang paglilitis, may mga bagong intriga namang lumulutang tungkol sa umano’y pangangalap ng boto para sa magiging hatol.

May isang ulat na nagsasabing kinakausap umano ni Escudero sina Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at ang mga Villar upang makuha ang 16 boto na kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Hindi maliit na bagay ang ganitong paratang. Kung seryoso ang alegasyon, dapat seryoso rin ang ebidensyang ihaharap upang patunayan ito. Hindi sapat ang salitang “reportedly” para maging katotohanan ang isang sensitibong political allegation.

Hangga’t walang malinaw na patotoo, hindi dapat ituring na established fact ang isang political rumor.

Ang ganitong uri ng haka-haka ay maaari ring makasira sa kredibilidad ng impeachment process. Sa halip na manatiling nakatuon sa ebidensiya, testimonya, at legal na argumento, napupunta ang usapan sa mga umano’y lihim na kasunduan at pangangalap ng boto.

Mahalagang tandaan ang tunay na papel ng Presiding Officer. Responsibilidad niyang tiyaking maayos ang proceedings, mabigyan ng patas na pagkakataon ang prosecution at defense, at masunod ang mga patakaran ng impeachment court. Ito ang tungkuling maayos na ginagampanan ni Escudero.

Hindi rin naman maiiwasan ang pag-uusap ng mga senador. Normal na bahagi ng kanilang trabaho ang deliberasyon, konsultasyon, at pagpapalitan ng pananaw.

Kung bawat pag-uusap ay agad pagbibigyan ng kahulugang vote-buying o horse-trading, magiging mahirap para sa mga senador na magkaroon ng normal na deliberasyon tungkol sa isang napakahalagang usapin.

Higit sa lahat, maaaring maapektuhan nito ang pagtanggap ng publiko sa magiging desisyon ng impeachment court.

Kung acquittal ang mangyari, maaaring sabihin ng isang panig na may nagmaniobra. Kung conviction naman, maaari namang igiit ng kabilang panig na matagal nang pinagplanuhan ang resulta.

Kaya anoman ang maging hatol ay pareho ang epekto. Ang kredibilidad ng impeachment court ang nasasakripisyo.

Kaya habang nagpapatuloy ang trial, kailangan ng higit na pag-iingat sa pagbibigay-kahulugan sa mga alegasyong walang sapat na ebidensiya. Kasama rito ang media na may malaking papel sa paghubog ng pananaw ng publiko.

Marami nang ingay ang nakapaligid sa impeachment. Hindi na kailangan pang dagdagan ito ng mga intriga na maaaring magpalayo sa tunay na usapin ng paglilitis.

Hayaan nating umandar ang proseso ayon sa itinakdang mga patakaran.

At sa huli, hindi intriga, haka-haka o political rumor ang dapat magtakda ng resulta. Ebidensya ang dapat magsilbing batayan ng magiging hatol.

87

Related posts

Leave a Comment