PNP SOSIA DAPAT HIGPITAN TRAINING SA MGA SEKYU

RAPIDO ni PATRICK TULFO

DALAWANG security guard ng Ateneo De Zamboanga ang umano’y namatay sa nangyaring barilan sa Zamboanga nito lamang nakaraang Martes, August 18, 2026.

Ito ay matapos makapagpasok ng high powered firearm ang isang estudyante at walang habas na nagpaputok sa paaralan.

Hindi ito ang unang insidente ng barilan sa loob ng paaralan.

Sa panahon ngayon na mga bata ang pangunahing mga suspek, dapat pag-ibayuhin ng mga eskwelahan ang seguridad sa loob at labas ng paaralan.

Kabilang na rito ang pagtatalaga ng mga security guard na may karampatang training kung paano mapipigilan ang mga ganitong uri ng krimen.

Dapat ay maghigpit ang SOSIA (Supervisory Office for Security and Investigation Agencies) sa ilalim ng PNP (Philippine National Police) sa pagbibigay ng lisensya sa mga guwardiya, at magkaroon ng sapat na training ang mga ito kung paano poprotektahan ang kanilang mga binabantayan.

Hindi sapat na bantayan lamang nila ang kanilang nasasakupan, kundi maging alerto rin sa mga banta ng kaguluhan katulad na lang ng mga nangyayaring krimen sa mga paaralan.

Ang pagkakaroon ng mabilis na aksyon at pagdedesisyon sa parte ng mga guwardiya ay makatutulong na maiwasan ang kaguluhan at maipaalam ito agad sa pulisya.

Sa ganitong paraan ay magiging kampante ang mga magulang na ligtas ang kanilang mga anak sa loob ng paaralan.

Ang paaralan ay pangalawang tahanan ng mga bata, dapat ay mapanatiling ligtas hindi lang ang mga estudyante, kundi maging ang mga guro at iba pang mga kawani ng paaralan.

Napapanahon na para gawing alerto ang mga petiks na guwardiya, bukod sa trabaho naman talaga nila maging alerto, pero maiiwasan sana ang krimen sa mga paaralan (maging sa anomang establisyemento) kung hindi papatay-patay ang mga sekyu.

Sa huling ulat at dalawang estudyante ang sinasabing nasawi, isa rito ang mismong suspek.

85

Related posts

Leave a Comment