Buhusan ng atensyon ng Kamara, Senado ANTI-CORRUPTION NAMAN – ATTY. RODRIGUEZ

(JESSE KABEL RUIZ)

TAMA na ang Alice Guo saga. Harapin naman ng Senado at Kongreso ang talamak na korupsyon sa ilang sangay ng gobyerno tulad sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Hamon ‘yan ni Atty. Vic Rodriguez sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa unang executive secretary ng Marcos Jr. administration, korupsyon ang malalang sakit na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino at naglulugmok sa bansa sa kahirapan.

Pinuna ni Rodriguez ang matinding kahirapan ng nakararaming Pilipino habang nagpapasasa naman sa pera ng bayan ang iilan sa isang pulong balitaan kamakailan.

Si Rodriguez ay isa sa mga sasabak sa senatorial election sa susunod na taon.

Aniya, “corruption, corruption at corruption pa” ang problema ng bansa. Talamak aniya ang graft and corruption sa maraming ahensya ng gobyerno tulad sa DPWH na pinag-aagawan ng marami.

Inihalimbawa niya ang daan-daang bilyon na flood control projects ng DPWH, MMDA at mga lokal na pamahalaan.

Hindi umano malaman kung ano ang nangyari sa flood control projects ng DPWH na pinondohan ng halos 450 billion pesos nitong nakalipas na dalawang taon.

Sinasabing ginagastusan ng mahigit isang bilyon kada araw ang flood control project ng gobyerno subalit hindi naman nararamdaman ng taumbayan at wala ring nakikitang resulta.

Ito aniya ang dapat tutukan at imbestigahan ng Kamara at Senado na siyang nag-apruba ng budget para sa DPWH. Kailangan umanong tukuyin saan mga lugar ginastos ang pondo at sino-sino ang mga politiko at contractor na nakinabang sa flood control projects.

Giit pa ni Rodriguez, dalawang taon walang inilabas na comprehensive master plan for infrastructure development ang gobyerno kasama ang paglikha ng high-impact flood mitigation and control projects.

Hindi rin nakaligtaang ibigay na halimbawa ni Rodriguez ang ibinunyag ni Baguio City Mayor Benjie Magalong na halos 70 porsyento ng government projects lalo na ng DPWH ay napupunta lamang sa corrupt na politiko na nagsisilbi ring mga contractor at suppliers.

92

Related posts

Leave a Comment