BULACAN DENGUE CASES PUMALO SA 9,901

PUMALO na sa 9,901 ang naitalang kaso ng dengue sa lalawigan ng Bulacan kaya naman patuloy pa rin na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH), ang paglaban sa dengue kabilang ang pagsasagawa ng ilang mga aktibidad at kampanya upang tuluyang masugpo ang papataas na kaso ng dengue sa lalawigan.

Dahil dito, ipinag-utos ni Governor Daniel Fernando ang mahigpit na pagbabantay sa mga lugar na dengue hotspot, at clustering ng mga kaso na siyang prayoridad ng interbensyon.

Nagsagawa rin ng sabayang paglilinis kamakailan sa iba’t ibang parte ng probinsya na nilahukan ng mga kapitan ng barangay, home owners association at iba pang mga sektor.

Magugunitang naglabas ng Memorandum DRF-04202022-134 si Fernando noong Abril na nag-uutos sa mga punong-lungsod/bayan at mga kapitan na magkaroon ng inisyatibo at pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng mga hakbangin na makatutulong sa mga Bulakenyo sa paglaban sa dengue kahit na sila ay naninirahan sa pinakamalalayong bahagi ng komunidad.

“Doblehin pa natin ang pagbabantay sa mga lugar na may hotspot, ‘yung mga may clustering ng cases. Unahin natin na masugpo at maubos ang mga lamok na nagdadala ng dengue at linising maigi ang mga lugar na ‘yan. Siguruhin na regular na isinasagawa ang spraying at fogging upang tuluyang mawala ang mga lamok na dengue carrier,” wika ng gobernador. (ELOISA SILVERIO)

223

Related posts

Leave a Comment