‘THE BIG ONE’ IBINABALA SA EASTERN VISAYAS

PINANGANGAMBAHANG may maganap na pinakamalakas na lindol o tinaguriang “The Big One” sa ilang bahagi na nasasakupan ng Region 8 sa Eastern Visayas.

Bunsod nito, pinaghahanda ng Office of Civil Defense Eastern Visayas ang mga residente dahil posibleng gumalaw ang pinakamalaking fault line sa rehiyon na ikinukonsidera ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology  (Phivolcs) na “The Big One”.

Ang nasabing fault line ay mas malaki kung ikukumpara sa Manila.

Base sa pag-aaral ng Phivolcs, ang mga lugar na dinadaanan ng Philippine Trench o Fault Line ay ang Taft, San Julian, Borongan City, Balangiga, Lawaan, Marabut, Basey, Pinabacdao, Hinabangan, Allen sa Northern Samar, Victoria, San Isidro, Mahaplag Leyte, Kananga, Ormoc, Javier, Capoocan, MacArthur, Lapaz, Abuyog, Albuera, Sogon ng Southern Leyte, Libago, St. Bernard, Liloan at San Ricardo.

Ayon kay Director Lord Byron Torrecarion ng Office of Civil Defense (OCD), base sa pag-aaral ng Phivolcs, kung lalakas ang paggalaw ng Phil. Trench ay aabot ng magnitude 7.0 ang tatama sa nabanggit na mga lugar.

Posibleng magdulot ito ng tsunami na magmumula sa Pacific Ocean kung saan malapit ang Eastern Samar, Northern Samar, Leyte at Southern Leyte.

Kung ang paggalaw ng Philippine Trench ay manggagaling sa Northern Samar ay posibleng umabot ng magnitude 7.9 ang lindol.

Tinatayang aabutin naman ng 9 na metro ang taas ng tsunami na katumbas ng 3 story building, samantala sa Leyte naman ay posibleng umabot ng 4-5 metro ang tubig dagat na tatama.

Kung ang lindol ay manggagaling sa Dinagat Islands at Samar ay posibleng magtala ng 4-7 metro ang taas ng tsunami at sa Leyte at sa Northern Samar ay aabutin ng 8-9 metro ng tubig dagat ang tatama.

Matatandaan, ang pinakahuling na-monitor ng Phivolcs na paggalaw ng Phil. Trench sa Ormoc City ay noon pang 2017.

Nilinaw naman ni Director Torrecarion na ang kanilang ibinigay na impormasyon ay hindi para takutin ang mga Pilipino kundi para bigyan ng babala para makapaghanda sila sa kalamidad na posibleng dumating sa kanila.

Kaugnay nito, ang OCD ay patuloy na nagsasagawa ng kanilang pagsasanay sa Local Government Units (LGUs) para sa pag-upgrade ng kanilang mga kagamitan para magamit nila sa oras ng pagdating kalamidad. (JOEL O. AMONGO)

320

Related posts

Leave a Comment