INIHAYAG ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na gumaling na siya sa COVID-19 noong Linggo, Setyembre 5.
“Ngayong araw, nais kong ibahagi sa inyo ang magandang balita na ako ay nag-negatibo na sa COVID-19 at tapos na rin ang aking quarantine period,” ani Malapitan.
Nagpasalamat din ang alkalde sa lahat ng mga tumulong at nagdasal para sa kanyang paggaling.
“Higit sa lahat, ang aking pasasalamat sa Panginoong Maykapal dahil hindi Niya ako pinabayaan bagkus ay pinagaling ako laban sa sakit na ito,” ani Malapitan, na sinundan ng paghimok sa publiko na magpabakuna na partikular ang senior citizen tulad niya.
“Napakalaking tulong na ako ay fully-vaccinated ng AstraZeneca, kahit ako ay tinamaan ng sakit, hindi ako nakaranas nang malalang COVID-19 dahil may proteksyon ako ng bakuna,” anang punong lungsod. (ALAIN AJERO)
