CHILD PROTECTION COMMITTEE, PINABUBUHAY SA MGA PAARALAN

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga pribado at pampublikong paaralan sa elementarya at high school na buhayin ang kanilang Child Protection Committee o CPC laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso, tulad ng sexual harassment.

Kasunod ito ng paglabas sa social media kamakailan ng ilang mag-aaral ng Miriam College at sumbong ng karahasan sa ilalim ng mapagsamantalang mga guro, bagay na iniimbestigahan na ng Department of Education o DepEd.

Kahit anya ipagpapaliban ang face-to-face learning sa pagbubukas ng klase dahil sa banta ng COVID-19, nagbabala si Gatchalian na hindi nawawala ang banta ng pang-aabuso mula sa ilang guro o kawani ng mga paaralan laban sa mga mag-aaral.

Dahil dito, dapat anyang tumutok ang mga CPC sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso at karahasan sa mga mag-aaral.

Ayon sa National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines, higit labing-pitong (17.1) porsyento ng mga kabataang may edad na labing tatlo (13) hanggang labing walo (18) ang nakaranas ng karahasang sekswal o sexual violence. Ayon din sa naturang ulat, higit limang (5.3) porsyento ng mga insidenteng ito ay nangyayari sa loob mismo ng paaralan.

Sa ilalim ng Department Order No. 40 s. 2012 ng DepEd, mandato sa mga CPC ang pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya upang mabigyang proteksyon ang mga bata.

Tungkulin din ng CPC na tukuyin ang mga posibleng kaso ng pang-aabuso sa mga mag-aaral at iulat ito sa mga kinauukulan tulad ng Philippine National Police Women and Children Protection Desk o PNP-WCPD, Local Social Welfare and Development Office, mga ahensya ng pamahalaan, at mga non-government organization.

Ang CPC ay pinamumunuan ng school head o administrator at katuwang nila ang isang guidance counselor o teacher.

Kabilang din sa CPC ang kinatawan ng mga magulang, mga mag-aaral, at komunidad. (DANG SAMSON-GARCIA)

339

Related posts

Leave a Comment