NATADTAD ng bala sa katawan si retired Sr. Supt. Fernando Villanueva matapos pagbabarilin ng armadong riding in tandem habang binabagtas ang kahabaan ng Marcos Highway sa boundary ng Barangay Iba O Este at Barangay Bagbag sa Calumpit, Bulacan, Miyerkoles ng hapon.
Agad nalagutan ng hininga ang biktima na tauhan ni Governor Daniel Fernando at kasalukuyang head department ng Civil Security and Jail Management Office (CSJMO) ng Bulacan Provincial Government.
Si Villanueva, 61, ay pinagbabaril habang nakaupo sa passenger seat ng service na government vehicle.
Base sa imbestigasyon mula sa nakasaksi sa krimen, bagamat sugatan ay nagawa pang makababa ng kanyang sasakyan ang biktima at tumakbo subalit sinundan ito ng mga salarin.
Pagdating sa tulay ng Iba o Este-Bagbag Bridge dito na inabutan ang sugatang biktima at paulit-ulit pang pinaputukan at nang matiyak na wala nang buhay ay saka lang tumakas ang mga suspek.
Galing umano sa opisina sa kapitolyo si Villanueva at pauwi na sa kanyang hometown sa Pampanga nang maganap ang pamamaslang.
Agad namang ipinag-utos ni Gob. Fernando kay Bulacan Police director Col. Lawrence Cajipe ang masusing imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek na hinihinalang mga professional hired killer.
Naging makulay ang serbisyo ni Villanueva bilang isang magiting na pulis sa lalawigan ng Bulacan kung saan ilang beses na rin itong nakaligtas sa mga engkuwentro partikular na laban sa mga rebelde o New People’s Army taong 1987 hanggang 1995.
Naitalaga siyang regional director ng PNP-HPG sa Region 3 taong 2008 bago naging Bulacan Police director noong 2010. Matapos magretiro ay dito na siya naging pinuno ng Civil Security and Jail Management Office (PCSJMO) ng Bulacan Provincial Government.
Itinalaga rin siyang Bulacan Provincial Jail Warden habang head ng PCSJMO nitong nakaraang taon subalit pinalitan siya agad ni Ret. Col. Marcos Rivero bilang jail warden at nanatili bilang PCSJMO head.
Tila ginawang pasalubong o “welcome gift” ng mga well organized crime syndicate partikular na ng mga hired killer sa bagong talagang Police Regional Office 3 (PRO3) regional director na si BGen. Val de Leon ang pagpaslang kay Villanueva.
Nabatid na ilang oras bago ang pamamaslang ay bumisita si BGen. De Leon sa Camp Alejo Santos. (ELOISA SILVERIO)
