DROGA ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa pamamaslang sa dating tauhan ng Manila Police District na pinagbabaril sa Vitas, Tondo, Manila, Huwebes ng umaga.
Agad nasawi ang biktimang si dating P/Sgt. Drandreb Cipriano, 47, ng 407 Lallana St., Tondo.
Sa ulat ng Manila Police District-homicide section, alas-9:10 ng umaga nang pagbabarilin si Cipriano sa panulukan ng A.Bonifacio St. at Vitas, Tondo ng nag-iisang gunman na lulan din ng motorsiklo.
Sa rekord ng pulisya, taong 2006 nang isailalim ang biktima sa operasyon ng PNP-CIDG dahil sa hinalang nagsu-supply ito ng shabu sa Tondo.
Isa si Cipriano sa apat na pulis Maynila na natimbog sa nasabing operasyon na muntik pang mauwi sa madugong komprontasyon.
Nag-AWOL umano si Cipriano matapos magpositibo sa ilegal na droga noong 2014. (RENE CRISOSTOMO)
