DOLE: Walang postponement ng 13th month pay MASAYANG PASKO SA OBRERO

TULOY ang masayang Pasko ng mga obrero ngayong siniguro na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi ipagpapaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga pribadong kumpanya.

Nabatid na ilalabas na ng DOLE ang Department Order kaugnay sa naturang usapin na lumikha ng matinding ingay sa mga nakalipas na araw matapos pumalag ang mga manggagawa lalo ngayong nananatili ang COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, nabuo na nila ang Department Order matapos ang ginawang konsultasyon sa mga stakeholder kabilang na ang grupo ng mga employer at labor groups.

Ayon kay Sec. Bello, batay sa kanilang ilalabas na kautusan, walang pagpapaliban o deferment at walang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon at alinsunod sa batas, bago o sa Disyembre 24.

Nakapaloob din aniya sa ilalabas na kautusan ang dalawang opsyon para sa maliliit na negosyo at mga distressed company para maibigay pa rin ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.

Magsusumite umano ang DOLE ng panukala kay Finance Sec. Sonny Dominguez para i-subsidize ng gobyerno ang halagang pambayad sa 13th month pay ng mga distressed micro and small-medium enterprises (MSMEs).

Pwede rin daw bigyan ng opsyon ang mga distressed companies na makautang o makapag-avail ng loan facilities sa mga bangko para ipambayad sa 13th month pay ng kanilang manggagawa.

Nauna rito, nagpahiwatig si Bello na posibleng pagpapaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon partikular ng mga itinuturing na “distress companies” o mga kompanyang nalugmok sa pandemya.

Subalit pinalagan ito ng mga manggagawa at iba pang grupo dahil ito na lamang ang inaasahan nila upang may magastos kahit papaano sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa kabila ng pandemya.

Kaugnay nito, inihayag ni House ways and means chairman Joey Salceda na pauutangin ng gobyerno ang mga negosyante upang tulungan ang mga ito sa pagbangon at magkaroon ng pondo para sa bonus o 13th month pay ng kanilang mga empleyado.

Ani Salceda, sinunod ng DOLE ang kanilang mungkahi na huwag suspendehin ang 13th month pay dahil masama ito sa ekonomiya, hindi lamang ng bansa kundi ng mga empleyado.

Ayon kay Salceda, pupulungin nila sa lalong madaling panahon sina Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez upang pabilisin ang pagpapautang sa mga negosyante lalo na ang mga nasa micro, small at medium enterprises upang magkaroon ang mga ito ng karagdadang puhunan at pondo para sa 13th month pay ng kanilang empleyado.

“It’s never a good idea to be scrimpy on the private sector side during a crisis. That deepens the shrinkage. Let’s help companies pay for their workers, but let us not allow the private sector to shrink if we can do something about it. It’s always harder to reconstruct the private sector after it shrinks,” ayon kay Salceda. (DAVE MEDINA/BERNARD TAGUINOD)

130

Related posts

Leave a Comment