BULACAN – Umakyat na sa walo nitong Martes ang naitalang kaso ng COVID-19 sa lalawigang ito, ayon sa ulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay Dr. Jocelyn Gomez, Bulacan provincial health officer, lalaki ang pinakahuling tinamaan ng nasabing nakamamatay na virus, na isang taga-Lungsod ng Malolos.
Nabatid na ang pasyente ay isang engineer at nagtatrabaho umano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Metro Manila.
Sinabi ni Malolos Mayor Bebong Gatchalian, isinasagawa na ng mga tauhan ng Bulacan PHO, ang contact-tracing sa posibleng nakasalamuha nito kabilang ang family members
bago pa man nagkaroon ng sintomas ang biktima.
Napag-alaman, unang dinala ang pasyente sa Sacred Heart Hospital ngunit agad itong inilipat sa isang pribadong ospital sa Manila nitong Martes makaraang lumabas ang
resulta na positibo sa COVID-19.
Base sa record ng Bulacan PHO, walo na ang kaso sa nasabing lalawigan, dalawa rito ay ang mag-amang namatay na mula sa San Ildefonso, dalawa naman mula sa Lungsod ng
San Jose Del Monte, dalawa sa Lungsod ng Malolos, positibo rin si Mayor Ferdie Estrella ng Baliwag at isa pa sa bayan ng Guiguinto.
Hanggang nitong Martes ay 203 cases ang persons under investigation o (PUI) habang 666 ang persons under monitoring (PUM), ayon pa sa Bulacan. ELOISA SILVERIO
