Dahil sa budget cut sa Comelec SAHOD NG BEI SASABIT

DISMAYADO ang Commission on Elections (Comelec) na ginawang pagtapyas ng kanilang operating budget para sa 2022 general elections. Mula sa panukalang P41.992 bilyon, nauwi sa P26.497 bilyon lamang ang ipinasok ng Department of Budget and Management (DBM) sa isinumiteng 2022 National Expenditure Program.

Ayon kay Director James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, isang malaking dagok ang pwedeng idulot ng pagbabawas sa kanilang P41.992 bilyong proposed budget sa darating na eleksyon lalo pa’t masyado aniyang malaki ang kailangan para matustusan ang Board of Election Inspectors (BEI) na pangunahing maaapektuhan ng naturang budget cut.

“The DBM’s deep cut into the COMELEC’s proposed budget will significantly impact how the COMELEC will conduct the 2022 National and Local Elections,” ani Jimenez sa isang pahayag.

Gayunpaman, pinag-aaralan na ngayon ng Comelec ang kanilang budget para mabatid kung saang aspeto sila kailangang magkaroon ng pagsasaayos. Bagamat aminado ang nasabing opisyal na ngayon pa lamang ay nakikita na nila na maaapektuhan nito ang ilalaang pondo para sa mga miyembro na kanilang BEI na mamamahala sa eleksyon.

“Even a cursory review of the National Expenditure Program, however, immediately reveals that the budget for the Electoral Boards will be one of the most affected,” dagdag ni Jimenez.
Sa isinumiteng P41.992 bilyong pondo na proposal ng Comelec, sakop nito ang Sangguniang Kabataan at Barangay Elections, pagsasagawa ng aktuwal na eleksyon, Overseas Absentee Voting Continuing Registration, at iba pa. (RENE CRISOSTOMO)

125

Related posts

Leave a Comment