PINABUBUHAY ni Assistant Majority Leader at Anak Mindanao Party-list Rep. Amihilda Sangcopan sa liderato ng Kamara ang Sub-committee on Recovery, Reconstruction and Rehabilitation on Marawi City upang siyang humimay sa isyung bumabalot sa mabagal na pag-usad ng rehabilitasyon ng lungsod.
Sa isang press conference, iginiit ng kongresista na apat na taon na ang nakalilipas mula nang kubkubin ng mga rebelde ang Marawi City at bilyong piso na ang nagastos ay hindi pa rin nakababalik ang mga bakwet sa kani-kanilang tahanan.
Naniniwala si Sangcopan na kung bubuhayin ang sub-committee ay matututukan ang mga isyu sa lungsod kagaya ng ginagawa sa Senado.
“This is why, there is a need to revive the Sub-Committee on Marawi Recovery, Reconstruction and Rehabilitation to help us oversee the necessary actions that will fast track the post-disaster recovery and normalization of the most affected communities in Marawi.”
Naniniwala ang kongresista na ang komite ay may kakayanang isentro ang pagsisiyasat sa kung magkano na ba ang perang nagugol sa rehabilitasyon dahil sa ulat ng Task Force Bangon Marawi ay ipinagmamalaki nito na nasa 65 porsiyento na ang pagkayari ng rehabilitasyon ngunit hindi ito maramdaman ng mga bakwet maging ng mga residente sa Marawi City.
“We need this committee to provide us answers to the many questions that we and the people have. Questions like, how much has been spent for the rehabilitation of Marawi since 2018? And why do the people of Marawi strongly contradicts government claims that it has already accomplished 65 percent of what was mapped in the rehabilitation program?”
Ang sub-committee ay nabuo noong 17th Congress para sa mga panukalang inihain para sa Marawi pero ito ay nalusaw din matapos na kunin ng mother committee na House Committee on Disaster Resilience ang consolidation ng mga bills.
Bukod dito, aabot lamang sa P17 Billion ang na-release na pondo para sa Marawi City mula sa P58 Billion hanggang P70 Billion na pondong sinasabi ng pamahalaan.
Nanawagan din si Sangcopan sa House Committee on Disaster Resilience na magpatawag ng pulong para silipin ang kasalukuyang sitwasyon ng Marawi City.
Kasabay nito ay kinalampag ng kongresista ang liderato ng Kamara na aprubahan ang panukalang Marawi City Compensation Bill na inihain niya at ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman dahil ito aniya ang magiging panimula ng totoong pagbangon ng mga residente ng Marawi City na naapektuhan ng giyera.
“The expeditious legislation of the Marawi Compensation Bill in this August hall. That if enacted, it will definitely alleviate the situation of our Bakwits and somehow signal the start of living life anew. It also will signal the commencement of the true sense of Kambalingan and that Marawi has risen. And another is their avid call for a safe and dignified return to their homes,” giit pa ng Mambabatas. (CESAR BARQUILLA)
296 