DAPAT MAGSAMPOL NANG MABILIS

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

MARAMING kandidato ang iniimbestigahan na ng Commission on Election (Comelec) dahil sa vote buying pero dapat may matuluyan dahil kung hanggang pag-iimbestiga lang ang gagawin ay hindi matitigil ang pagbili ng boto tuwing eleksyon.

Palagay ko naman may malakas na ebidensyang hawak ng Comelec kaya sila nag-iimbestiga kaya dapat magdesisyon agad sila kung guilty o hindi ang iniimbestigahang mga kandidato na inaakusahang namimili ng boto.

Kailangan din ang tulong ng hudikatura lalo na ang Court of Appeals (CA) at Supreme Court (SC) dahil sa kanila tumatagal ang kaso kaya maraming politiko ang nawiwili na bumili ng boto para masiguro ang kanilang panalo.

Marami na kasing kaso ang nagtatagal sa CA lalo na sa SC, kaya patapos na ang termino ng kinasuhang kandidato ay saka sila maglalabas ng desisyon at parang wala pang naparusahan sa vote buying.

Hindi katanggap-tanggap ang vote buying dahil binibili ng mga politiko ang kanilang posisyon kaya hindi tinutupad ng mga kandidato ang kanilang pangako kapag sila ay naluklok na sa kapangyarihan.

Kailangan na ring mabago ang ugali ng mga botante na magagawa lamang sa pamamagitan ng pagparusa sa mga namimili ng boto at maging ang mga nagbebenta ng boto ay kailangang masampulan na rin.

Isa kasi sa dahilan kung bakit madalas na mababa ang turn-outs tuwing eleksyon ay dahil marami ang hindi bumoboto kapag hindi raw sila isinama sa listahan ng mga coordinator ng mga kandidato na bibigyan ng pera kapalit ng boto nila.

Pero mababago ‘yan kapag tuluyang mawawala ang vote buying at ang iboboto ay ‘yung mga epektibo, may kakayahang magsilbi at hindi ‘yung mga bumibili ng boto na hindi magtatrabaho kundi makikipagbarkada lang at tambay sa mga sabungan.

Kawawa ang bansa natin dahil ang mga nailuluklok sa kapangyarihan ay ‘yung mga may pambili lang ng boto at kailangan nilang bawiin ang ipinambili nila ng kanilang puwesto kaya hindi mawawala ang korupsyon.

Pero mas kawawa ang mga taong nagbenta ng boto dahil minsan lang silang binabalikan ng mga politiko, tuwing ikatlong taon at muli silang bibigyan ng P200 hanggang P1,000 para bilhin uli ang kanilang boto.

Kaya dapat magtulungan na ang Comelec, CA at SC para matigil na ang vote buying dahil hangga’t walang naparurusahan ay hindi mawawala ang katiwalian dahil kailangang bawiin ng mga kandidato ang ipinambili nila ng boto.

3

Related posts

Leave a Comment